Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoTulong

Ni Nestor S. Barco

MAKARAANG maoperahan si Eric dahil sa colon cancer, dumagsa ang mga tulong sa kaniya mula sa kaniyang mga kapatid, kamag-anak, kasamahan sa simbahan at dating kaklase sa elementarya at haiskul.

“Kung hindi, marami sana tayong utang ngayon. Malamang ding naibenta natin ang kotse natin,” sabi niya kay Nora.

“Laking pasasalamat ko talaga sa mga tumulong sa iyo,” sang-ayon ng misis niya, “lalo na sa mga kapatid mo.”

Halos kalahati ng ginastos niya sa operasyon, chemotherapy at radiation therapy ay nanggaling mula sa tulong ng lima niyang kapatid, na ang dalawa ay nasa Pilipinas at ang tatlo naman ay nasa ibang bansa. Walang naitulong ang pamilya ng misis niya dahil maralita; malimit na sila pa nga ang tumutulong.

“Pero ang nakakatuwa,” dagdag niya, “kahit ang mga dati kong kaklase na napakatagal ko nang hindi nakikita e nagpadala rin ng tulong, lalo na ‘yung mga nasa abroad.” Nalaman niya mula rin sa mga ito na kumalat ang balita ng kaniyang pagkakasakit sa mga dating kaklase niya sa elementarya at haiskul sa pamamagitan ng Facebook at e-mail.

Kapag pinagsama-sama, aabot ang halaga ng mga tulong ng mga dating kaklase sa elementarya at haiskul na nasa Pilipinas at naninirahan sa ibang bansa, mga kamag-anak at kasamahan sa simbahan sa ikatlong bahagi ng ginastos niya sa chemotherapy at radiation therapy.

Kaya, wala siyang naging utang. Wala rin siyang naibentang anumang pundar niya.

“‘Wag na sa pera, ‘yun lamang pagmamalasakit ng mga tumulong sa iyo e nakakatuwa na,” sabi ng misis niya.

“Totoo ‘yan,” sang-ayon niya. “Una, sa biyaya ng Diyos; sumunod, sa suporta mo at ng mga anak natin, hindi ako na-depress sa sakit ko dahil maraming tumulong sa akin. Kaya ko rin kinaya ang lahat ng hirap at sakit sa pagpapagamot.”

“Matulungin ka rin naman,” sabi ng misis niya. “Ngayon, marami ring tumutulong sa iyo.”

Hindi na kumibo si Eric. Hindi niya ipinagmamalaki ang pagtulong sa kapuwa. Ayaw nga niyang mabanggit man lamang iyon.

Noong surveillance na lamang ang ginagawa ng oncologist sa kaniyang sakit, tumigil na rin ang pagdating ng mga tulong. Nauunawaan niya iyon. Alam din naman ng mga tumutulong sa kaniya na wala na siyang masyadong pinagkakagastusan. Makakaya na ng kinikita ng kaniyang imprenta ang bayad sa CEA test, CT scan at colonoscopy.

Kanina, silang dating magkakaklase sa haiskul ay nagkaroon ng reunion. Gusto ni Grace na magkita-kita sila bago ito bumalik ng United States. Dalawang linggo lamang ang bakasyon nito sa Pilipinas.

Kasama niyang nagpunta roon ang misis niya, na siyang nagmaneho ng kanilang kotse. Mula nang maoperahan, hindi na siya nagmaneho. Naiwan sa bahay ang dalawang anak nila. Malalaki na ang mga ito.

Ang ilang dating kaklase sa haiskul ay may kasama ring asawa o anak habang nagsosolo naman ang iba. Karamihan ay may bitbit na pagkain. Siya man ay may bitbit din. Panay ang kumustahan. Siya ang napagtuunan ng pangungumusta ng mga ito dahil sa kaniyang sakit.

“Ayos naman ang CEA ko, CT scan at colonoscopy,” itinutugon niya.

“Mabuti naman!” sabi ng mga ito, nakangiti.

Di-nagtagal, nagkainan na sila. Napakaraming pagkain. Masasarap lahat.

Nang makapagpahinga na matapos nilang kumain, may kumanta na sa karaoke. Panay ang huntahan. Sinariwa nila ang nakaraan. Kinumusta nila sa isa’t isa ang kalagayan ng iba pa nilang dating kaklase na wala roon at ang kalagayan ng mga dati nilang guro. Bawat dumarating ay pinakakain muna. Panay ang kuha ng litrato at video sa pamamagitan ng cellphone at tablet computer.

Bandang alas 8:30 ng gabi, nagpaalam na siya. Iniiwasan niyang mapuyat upang manatiling malakas ang kaniyang resistensiya.

Habang papunta siya sa kotse kasama ang misis niya, sumabay si Grace. Nang papasok na siya sa kotse, kinamayan siya nito. Nang maglapat ang mga palad nila, naramdaman niyang may nakaipit na papel. Hinulaan niyang pera iyon. Napatingin siya sa dating kaklase.

“Konting tulong lamang ‘yan,” sabi ni Grace.

“‘Kakahiya naman,” sabi niya.

“Maliit na halaga lamang ‘yan. Tanggapin mo na,” giit ni Grace.

Nasa anyo ng dating kaklase na ipipilit nito ang tulong. Alam niya iyon dahil nararanasan niya kapag nagbibigay siya ng tulong. Napilitan siyang tanggapin ang pera.

“Salamat,” sabi niya. Inilagay niya sa bulsa ng kaniyang pantalon ang pera. Hindi na niya tiningnan kung magkano ito.

“Okey lang,” sabi ni Grace. Maaliwalas na maaliwalas ang mukha nito. Halatang napakagaan ng pakiramdam makaraang magbigay ng tulong. Alam niya iyon dahil nararanasan niya kapag nagbibigay siya ng tulong.

Nang malayo na siya, hinugot niya mula sa bulsa ng pantalon ang pera. Nang tingnan kung magkano: $100 US. Malaking halaga na rin kapag napalit sa piso.

Ibinalik niya ito sa bulsa ng kaniyang pantalon.

Nasa bahay na siya, naiisip pa niya ang tulong na bigay ni Grace. Noong malaki pa ang gastos niya sa pagpapagamot, natutuwa siya tuwing may dumarating na tulong. Naliligayahan siya na maraming nagmamalasakit sa kaniya.

Pero ngayong matagal na niyang hindi nararanasan uling tumanggap ng tulong at hindi na rin naman talaga niya ito kailangan dahil kayang-kaya na niya ang gastos kaugnay ng kaniyang sakit, nakaramdam siya ng habag sa sarili.

Kawawa ba ang tingin sa kaniya ng mga dating kaklase at ng iba pa kaya siya tinutulungan? Mas mababa na ba ngayon ang tingin sa kaniya ng mga ito dahil tinutulungan na lamang siya?

Nalungkot siya.

INALALA niya ang mga pagkakataong siya naman ang tumutulong.

Isang umaga, dumating sa bahay niya si Eddie, pinsan niya. Noon, matagal na itong hindi nakasasakay uli ng barko.

“Eric,” sabi nito, “walang pambaon ang dalawa kong estudyante. Hindi makakapasok. Kung puwede sana, pahingi ng limandaan. Hingi na lamang, hindi na utang, dahil hindi ko naman alam kung mababayaran ko pa.”

Noon din ay binigyan niya ng limandaang piso ang pinsan niya. Wala siyang maraming tanong. Nakangiti pa siya. Parang walang nangyaring bigayan ng tulong kung kausapin niya ito. Pinilit niyang huwag itong mapahiya at mahabag sa sarili.

Isang tanghali naman, dumating sa bahay niya si Rosie, dating kaklase sa haiskul. Iniwan ito ng asawa na nakisama sa ibang babae.

“Mapo-foreclose ang bahay namin,” pagtatapat nito. May isang anak ito sa asawa. Sa kaniya ito nakapisan. “Isa ka sa hihingan ko ng tulong.”

Noon din, binigyan niya ito ng limanlibong piso. Nilinaw niyang bigay iyon, hindi na kailangang bayaran. Panay ang pasasalamat nito sa kaniya pero sinabi niyang wala iyon. Kung kausapin niya ito ay tulad ng pakikipag-usap niya noong hindi pa niya ito binibigyan ng tulong. Pinilit niyang huwag itong mapahiya at mahabag sa sarili.

Alam niyang nangungutang sa misis niya ang kapitbahay nilang si Nancy tuwing magigipit ito. Pero kahit kailan, hindi niya ito pinakitunguhan na parang nakabababa, lalo pa nga’t nagbabayad naman ito tuwing magkakapera.

Kapag may lumalapit sa kaniya upang manghingi ng tulong ay tinutulungan niya sa abot ng kaniyang makakaya. Lahat ay pinipilit niyang huwag mapahiya at mahabag sa sarili. Hindi niya tinitingnan nang mababa dahil lamang tinulungan niya. Kung minsan, hindi na kailangang lumapit pa sa kaniya. Basta alam niyang talagang gipit, kusa na niyang tinutulungan. Iniiwasan lamang niyang kumunsinti ng katamaran at pagiging palaasa. Sinusuri rin niya kung nanloloko lamang ang nanghihingi ng tulong.

Napawi ang habag niya sa sarili.

Masaya na uli siya.

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.