
Opinions
Ni Nestor S. Barco
“PUPUNTA tayo mamaya, ha?” paalala ni Robin. Kaninang umaga, napagkasunduan nilang magkakabarkada sa paaralan na magkita-kita sila sa Figaro mamayang alas-7:30 ng gabi. May outlet nito na malapit lamang at paborito nilang pag-istambayan. Biyernes ngayon. Walang klase kinabukasan. May ilang estudyante lamang na nagpupunta sa paaralan pag Sabado upang magpraktis sa pagtugtog o sa palakasan.
“Baka hindi na ako makapunta,” sabi ni Diego.
“Ha? Malungkot ang grupo pag di kumpleto. Ba’t naman di ka makakapunta?”
“Wala ako sa mood.”
“Bakit?”
“Mukhang lumabo ako ke Vicky.”
“Ano’ng nangyari?”
“Dahil ke Jonathan.”
“Jonathan? Nanliligaw ba sa kaniya ‘yon?”
“Bata ‘yon.”
“Bata! Pa’nong lumabo ka ke Vicky e bata naman pala si Jonathan?”
KANINA, nagpunta si Diego sa subdibisyon na tinitirhan ni Vicky. Namimisikleta siya. Bagama’t hindi pa siya pormal na nanliligaw, sa tingin niya ay nakahahalata na ang kaklase na crush niya ito. Nasa fourth year high school sila.
Nabanggit mismo ni Vicky sa kanilang klase na mahilig itong mag-alaga ng mga halaman. Ilang beses din niyang narinig na pinag-uusapan nito at ng mga kaklaseng babae ang tungkol sa mga halaman. Umaasa siyang sa pagpunta niya sa subdibisyon ay matitiyempuhan niya si Vicky na nasa labas ng bahay, nag-aalaga ng mga halaman.
Nakaririwasa ang pamilya nina Vicky na may hardware store sa public market. Gayunman, nakita niyang pangkaraniwan lamang ang subdibisyon na tinitirhan ng mga ito. Maliliit ang mga bahay at lote. Karaniwan sa mga bahay ay may isang palapag lamang, bihira ang may dalawa o tatlong palapag.
Maraming nakatira roon na naglabas ng upuan sa gilid ng kalsada upang doon mag-usap o panoorin ang mga nagdaraan. Marami ring bata na naglalaro sa kalsada palibhasa’y maliliit lamang ang mga lote ng bahay at malilim sa kalsada pag hapon.
Kumabog ang dibdib niya nang makita si Vicky sa gilid ng kalsada, nagdidilig ng mga halaman sa planter box sa pamamagitan ng garden hose.
“Hi!” bati niya kay Vicky makaraang itigil ang bisikleta. Kumakabog pa rin ang dibdib niya.
“Hi!” tugon nito.
Bumaba siya ng bisikleta. Itinayo niya ito sa pamamagitan ng stand nito.
Patuloy sa pagdidilig ng mga halaman si Vicky. Nag-iisip naman siya ng sasabihin upang mabuksan ang pag-uusap nila.
“Ang lalago ng mga halaman n’yo,” nasabi niya.
Ngumiti lamang si Vicky na patuloy sa pagdidilig ng mga halaman.
“Alagang-alaga mo ang mga halaman n’yo!” Habang nagsasalita siya, nawawala ang kaba sa dibdib niya.
“Tama lamang,” tugon ni Vicky.
May babae na lumabas mula sa bahay nina Vicky. Ang bahay nina Vicky ay may isang palapag lamang. Sa tantiya niya, wala pang kuwarenta anyos ang babae. Nakangiti ito. Magiliw kumilos. Ganoon din si Vicky. Magkamukha ang dalawa ni Vicky. Hinulaan niya na ina ito ni Vicky.
“Ma, kaklase ko,” pakilala sa kaniya ni Vicky.
Tama ang hula niya. “Magandang hapon po,” bati niya sa ina ni Vicky.
“Magandang hapon din naman,” tugon nito, nakangiti pa rin. Nakita niya na sinilip sila ng nakababatang kapatid ni Vicky, si Jorge. Kilala niya ito dahil nakikita niya ito sa paaralan. Sinilip din sila ng isang babae na mas matanda lamang nang kaunti kay Vicky, na hinulaan niyang kasambahay ng mga ito. Wala pang sasakyan sa garahe. Kaya naisaloob niyang wala pa roon ang ama ni Vicky.
Nakakahalata kaya ang mga ito na may balak siyang manligaw kay Vicky? naitanong niya sa sarili. Maraming nagkakagusto kay Vicky. Gayunman, sa pagkakaalam niya, hindi pa ito nagkakaroon ng boyfriend.
“D’yan na muna kayo,” sabi ng ina ni Vicky.
“Opo,” sagot niya.
Pumasok ng bahay ang ina ni Vicky.
Nakita niya ang isang batang lalaki na naglalakad mag-isa. Dalawa o tatlong taong gulang pa lamang ito. Payat. Kayumanggi. Mahaba ang buhok. Kupas ang damit. Naka-tsinelas na pudpod. Gayunman, hindi ito marusing.
Nagtuloy ito sa kinaroroonan nila ni Vicky. Titingin-tingin ito sa kaniya at sa kaniyang bisikleta. Sa loob niya, siya na ang magpapaalis sa bata na nakatanghod sa dalawang nag-uusap. Mabait si Vicky. Kaya sa tingin niya, mahirap para kay Vicky na gawin iyon.
“Boy! boy! ‘Wag ka dito! Uwi ka na!” sabi niya, na may mustra pa ng mga kamay.
“Si Jonathan ‘yan,” sabi ni Vicky. Tinawag nito ang ina: “Ma! Ma! Andito si Jonathan!”
Nang lumabas ng bahay ang ina ni Vicky, may dala itong cup cake at fruit juice. Tuluy-tuloy itong lumabas sa kalsada. Itinusok muna nito ang straw sa juice box bago iniabot kay Jonathan ang cupcake at fruit juice. Tapos, bumalik ito ng bahay. Nagsimulang kumain si Jonathan habang naglalakad patungo sa umpukan ng mga batang naglalaro sa kalsada.
“Bakit kaya kung minsan, me mga magulang na hindi naaalagaan nang maayos ang anak nila?” aniya, na isang paraan niya ng pagsasabi kay Vicky na magiging responsable siyang asawa at ama kung magkakatuluyan sila. Hindi niya pababayaan ang magiging anak nila na gumala sa kalye at maghintay na bigyan ng pagkain ng kapitbahay.
Pero nabigla siya sa sinabi ni Vicky:
“Mahirap ang kalagayan ng nanay ni Jonathan. Kasambahay ito sa bahay ng kapatid nitong lalaki: nagluluto, naglalaba, namamalantsa, naglilinis ng bahay. Kailangan pang alagaan si Jonathan. Galing probinsiya ang mag-ina.”
Nagpatuloy ito:
“Lagi naman n’yang sinisilip si Jonathan. Tinitingnan din si Jonathan ng mga kapitbahay na naaawa sa kanilang mag-ina. Dito-dito rin lang naman si Jonathan. Madalang ang mga sasakyan na nagdaraan sa block namin. Mababagal pa ang takbo. Marami ring batang nasa kalsada. Baka naiinip din si Jonathan sa loob ng bahay. Sa labas, nasasayahan siya. Me nagbibigay pa sa kaniya ng pagkain. Hirap din ang pamilyang tinitirhan nila kaya hindi sagana sa pagkain.”
Hindi siya nakakibo. Inuunawa ni Vicky ang mga maralita pero ang dating kay Vicky ay hinahamak naman niya ng mga maralita!
Kung magpapaliwanag naman siya ay baka magtalo sila ni Vicky, tuluyan itong magalit sa kaniya.
Nakita niya sa kalsada ang isang babae, humigit-kumulang treinta-anyos, payat, kayumanggi at kupas ang damit. Tinatanaw nito si Jonathan. Nang makita nitong tahimik na nanonood si Jonathan sa mga batang naglalaro, pumasok na uli ito ng bahay. Tiyak na nanay ni Jonathan ang babae, naisaloob niya.
“Kami nga, mahirap din dati. Hirap na hirap sina Papa at Mama sa paghuhulog sa house and lot namin kahit maliit lang. Grade two na ako nang magsimulang lumuwag ang takbo ng buhay namin,” idinugtong ni Vicky.
Lalo nang wala siyang nasabi.
“Papasok na ‘ko,” sabi ni Vicky. Pinatay na nito ang tubig sa garden hose nozzle. Tapos na itong magdilig.
“Sige. Bye.”
“Bye.”
Lungkot na lungkot siya habang namimisikletang pauwi. Nakita niya si Jonathan na nanonood pa rin sa mga batang naglalaro. Napansin din niyang wala na itong hawak na anuman. Wala ring kalat sa tabi nito. Puwedeng si Jonathan mismo ang nagtapon ng balat ng cupcake at juice box sa basurahan. O tinulungan ito ng malaki nang bata o ng kapitbahay.
“ANO kaya ang mabuti kong gawin?” tanong ni Diego.
“Mahirap talaga ‘yan,” sagot ni Robin. Nag-isip ito. “A, alam ko na!” bulalas nito. “Sa grupo tayo magtanong. Baka me maipayo sila. Kaya pumunta ka na.”
“Sige na nga.”
“Sabay na tayong magpunta roon,” sabi ni Robin. Mayamaya, itinanong nito: “Siguro, gusto mong batukan si Jonathan noong pauwi ka na, ano?”
“Di ko puwedeng gawin iyon,” sagot niya. “Magagalit si Vicky. Nginitian ko pa nga si Jonathan noong pauwi na ako. Pagpunta ko uli roon, bibigyan ko si Jonathan ng chocolate!”
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.