Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoUbo

Ni Nestor S. Barco

MAY mga pagkakataong nakararamdam ng awa si Carlos sa pamangkin ng kaniyang misis. Pawisan ito tuwing babalik kapag inuutusan niya sa tindahan kahit katanghaliang-tapat. Kung minsa’y inaabutan pa ito ng ambon bagama’t hindi na niya sinasadya iyon.

Gayunman, naisaloob niya, kailangan niyang pangalagaan ang kapakanan ng kaniyang pamilya, lalo na ng kaisa-isang anak na dapat nilang paghandaan ang kinabukasan.

Dalawang linggo nang nakikitira sa kanila ang pamangkin ng kaniyang misis.

“Daddy, andito po si Kuya Jonel, kalaro ko,” salubong sa kaniya noon ni Cris pag-uwi niya galing sa opisina. Nakasunod sa kaniya ang misis niya na kinuha ang mga gamit niya mula sa kotse.

Humalik sa kaniyang pisngi ang pitong taong gulang na anak. Hinalikan din niya ito sa pisngi bago ito bumalik sa pakikipaglaro sa pinsan nito, na paris nito ay lalaki rin.

Nakita ni Carlos sa salas ang isang batang payat, magaspang ang balat at luma ang damit. Mas matanda ito sa anak niya ng tatlong taon. Kiming napatingin sa kaniya ang bata bago nito ipinagpatuloy ang pakikipaglaro sa kaniyang anak.

“O, bakit andito si Jonel?” tanong niya sa kaniyang misis. Napagkasunduan nila na tumigil na ito sa pagtatrabaho upang maalagaan nang husto ang kaisa-isa nilang anak. Dating clerk sa kanilang opisina ang kaniyang misis.

“Ayaw paalisin ni Cris. Nawili sa pakikipaglaro,” tugon ni Josie.

“Sino ang kasama ni Jonel na nagpunta rito?”

“Si Ate Evelyn.”

“Bakit daw?” Kalimitan, pagpupunta sa kanila ng sinuman sa pamilya ng kaniyang misis ay may kailangan.

“N-nanghiram ng pera. W-wala nang pamasahe sa trabaho ang asawa.”

“Pinahiram mo?”

“Wala akong magagawa. Lalong malaking problema kung hindi makapagtatrabaho si Kuya Asyong.”

“Kung umutang ‘yang si Ate Evelyn e hindi nagbabayad. Si Nanay, si Ate Fe, si Kuya Mauro, ganoon din.” Pamilya ng kaniyang misis ang binanggit niya.

“Gipit lang ang mga ‘yon. Wala naman silang ibang matatakbuhan.”

“Alam mo, habang nagbibigay tayo sa iba, anak naman natin ang nawawalan.”

“Alam ko. Napakaraming beses mo nang nasabi sa akin ‘yan,” tugon ni Josie. “Pero pa’no ba’ng gagawin ko sa pamilya ko? Nagtatrabaho naman. Hindi naman maluho. Talaga lang nagigipit!”

Wala silang kibuang mag-asawa nang maghapunan. Wala silang kibuan hanggang sa matulog.

Kinabukasan, wala pa rin silang kibuan. Gayunman, tulad ng dati, ipinagtimpla siya nito ng kape. Inihanda ang mga gagamitin niya sa paliligo. Inihanda ang mga isusuot niya. May kasambahay sila pero si Josie ang nag-aasikaso sa kaniya.

Ipinaghain din siya nito ng agahan. Nauuna siyang kumain dahil kailangan niyang maagang umalis upang pumasok sa opisina. Tulog pa ang anak, pati ang pamangkin ng kaniyang misis na natulog ay sa kuwarto ng kaniyang anak dahil gusto ni Cris na tuluy-tuloy ang kanilang paglalaro.

Wala pa ring kibo si Josie nang ipasok sa kotse ang attaché case niya nang paalis na siya patungong opisina.

Pag-uwi niya kinagabihan, napansin niyang iba na ang suot na damit ng pamangkin ng kaniyang misis bagama’t luma pa rin.

“Nagpunta ba rito kanina si Ate Evelyn?” tanong niya kay Josie.

“Oo, pero hindi nangutang!” sagot nito, na binigyan-diin ang mga salitang hindi nangutang. “Dinalhan lang ng mga damit si Jonel.”

Sa loob-loob niya, nagpatira pa ngayon sa bahay nila ng isang anak ang kaniyang hipag upang makalibre ng isang pakainin. Baka kunin nito ang anak ay pag pasukan na uli sa eskuwela.

Nang gabing iyon, nakaisip siya ng isang paraan upang kusang umalis sa bahay nila ang bata, sumama na sa ina nito pag nagpunta uli sa kanila. Dagdag gastos pa ito sa kanila. Gusto niyang matigil na ang pangmomolestiya sa kanila ng pamilya ng kaniyang misis.

Hindi niya puwedeng deretsang paalisin ang bata. Magtatampo ang kaniyang anak. Wiling-wili ito sa pakikipaglaro sa pinsan nito. Magagalit din nang husto sa kaniya ang misis niya. Kapag kusang umalis ang bata, walang masasabi sa kaniya ang mga ito.

Alam niyang sa simula ay malulungkot si Cris. Pero pag malaon, malilimutan din nito ang pinsan. Isa pa, para rin sa anak kaya niya ito ginagawa.

PERO wiling-wili pa rin sa pakikitira sa kanila ang pamangkin ng kaniyang misis kahit sinasadya niyang pahirapan ito at kinikibo lamang ay pag inuutusan. Siguro, dahil laging masarap ang pagkain sa bahay nila at nakakasama ito sa pamamasyal.

Sa mga lakaran, halatang-halatang hindi nila ito kapamilya dahil sa magaspang nitong balat at lumang damit. Sinasadya niyang huwag itong ibili ng bagong damit dahil baka mag-isip pa ang mga magulang nito na nagugustuhan nila ang pagtira nito sa bahay nila.

Kapag silang dalawa lamang, magkibuan-dili silang mag-asawa. Kung ano ang tanong niya, iyon lamang ang sagot ni Josie. Nag-uusap lamang sila nang maayos kapag kaharap ang anak dahil ayaw nilang ipahalata na nag-aaway sila. Gayunman, parang nakakaramdam na rin si Cris. Nagtatanong na ito kung minsan at pag kaharap nila ay patingin-tingin ito sa kanilang mag-asawa.

Hindi rin sila nagsisiping. Kapag nakahiga sila, nakatalikod sa kaniya si Josie.

Gayunpaman, matatag ang pasya ni Carlos. Hindi nagbabago ang trato niya sa bata.

Isang gabi, panay ang ubo ni Jonel. Noong isang araw pa niya napansing may sipon ito. Nag-alala siyang baka mahawa si Cris. Laging magkalaro ang dalawa at magkasama pa sa pagtulog. Naisip din niyang mas malaking gastos pag lumala ang sakit ni Jonel hanggang sa maospital ito. Tiyak namang sila ang gagastos dahil nasa bahay nila ang pamangkin ng kaniyang misis at walang pera ang mga magulang nito. Ayaw rin naman niyang may mangyari sa bata. Gusto lamang niya ay umalis na ito sa kanila. Awang-awa siya sa bata.

Kinausap niya si Josie:

“Me ubo si Jonel.”

“Mayroon nga,” sagot nito.

“Napatingnan mo na ba sa duktor?”

“Hindi.”

“Bakit hindi mo pinatitingnan?”

“Kung magalit ka. Gastos pa ‘yon,” sagot ni Josie.

“Patingnan mo na sa duktor bukas.”

“E, pa’no ang gastos?”

Hindi na niya itinanong kung magkano pa ang perang nasa misis niya. Binunot niya ang pitaka, humugot ng dalawang lilibuhing piso at iniabot ang pera kay Josie. “O, ayan. Kasya na siguro ‘yan pati sa gamot. Kung kulang pa e humingi ka na lang sa akin.”

“Salamat,” sabi ni Josie, nangingilid ang luha sa tuwa.

NANG nakahiga na sila, kinibo siya ng misis niya kahit wala siyang itinatanong.

“Salamat sa mga tulong mo sa pamilya ko,” sabi ni Josie.

“Kung talagang kailangan, walang problema sa akin. Pamilya mo ‘yon, mahirap mo talagang tiisin ang mga iyon,” tugon niya.

“Alam ko rin namang hindi puwedeng lagi silang nakatakbo sa atin. Lalo ko silang sasabihan na dagdagan nila ang pagsisikap nila,” sabi ni Josie.

“Pero kung talagang kailangan nila ng tulong, okey lang,” tugon niya.

“Oo. Pero hindi dapat na lagi silang nakaasa. Kailangang matuto silang tumayo sa sarili nilang paa,” giit ni Josie.

“Oo. Pero kung talagang kailangan nila ng tulong, okey lang,” ulit niya.

Gumagala ang kamay ni Josie sa kaniyang katawan. Gumagala rin ang kamay niya sa katawan nito. Nag-iinit siya at alam niyang ganoon din ang misis niya.

Nagkatinginan sila. Nag-usap ang kanilang mga mata. Nagkangitian.

Mainit na mainit ang pagtatalik nila, dala na rin marahil ng matagal nilang pagkadiyeta dahil sa pagtitikisan.

NANG gabi ring iyon, nakatulugan na niya ang pag-iisip kung paano makatatayo sa sariling mga paa ang pamilya ng kaniyang misis at kung anong tulong ang maibibigay niya sa mga ito.

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.