Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoAng martir

Ni Nestor S. Barco

TULAD ng pinangangambahan ni Rodel, bumagsak ang ulan. Inabot ng ulan si Nimfa sa supermarket.

Kanina, sinabihan niya ang kaniyang misis na magdala ng payong. Pero ganito ang sagot nito:

“’Wag na. Nagmamadali ako.” Palabas na ito ng gate.

“Ako na ang kukuha. Iaabot ko sa iyo.”

“’Wag na nga. Lalakad na ako.” Nakalabas na ito ng gate.

“Pa’no kung umulan?”

“Hindi uulan.” Lumakad na ito.

Pero umulan nga.

Dinampot niya ang kaniyang cellphone. Tinext niya si Nimfa upang bumili ng payong sa supermarket. Pero pag-send niya ng kaniyang message, nakarinig siya ng tunog ng cellphone sa loob ng bahay nila. Tunog iyon ng cellphone ng kaniyang misis. Ibig-sabihin, naiwan nito ang cellphone.

Kinabahan siya. Baka pag-uwi ni Nimfa ay basa ito ng ulan. Hindi nito maisipang bumili ng payong o maghintay sa pagtila ng ulan.

Pagkaraan ng humigit-kumulang labinlimang minuto, narinig niya ang pagbukas ng kanilang gate.

Sumilip siya. Nangyari nga ang kaniyang pinangangambahan. Basa ng ulan si Nimfa. Hindi ito bumili ng payong. Hindi rin naghintay ng pagtila ng ulan.

Kung tutuusin, hindi malaking abala kanina para kay Nimfa na kunin ang payong. Ilang hakbang lamang ang kinalalagyan ng payong mula sa kinatatayuan nito. Noong nasa supermarket ito, may dala rin itong sapat na pera upang makabili ng payong. Hindi sana ito nabasa ng ulan.

Gayunman, hindi na niya binanggit ang mga iyon kay Nimfa. Tutal, nabasa na ito ng ulan. Sa ibang pagkakataon na lamang niya ito babanggitin sa misis niya. Kapag maganda ang mood nito. Naisaloob na rin lamang niyang huwag sana itong magkasakit.

Sa halip, sinabi niya nang abutan niya ito ng tuwalya: “Magpahinga ka muna at magpahid ng alkohol bago maligo. Magkape ka rin muna.”

Sa kusina pumasok si Nimfa upang malapit na lamang ang lalakaran nito patungo sa kuwartong lagayan nila ng mga damit. Tumuntong ito sa basahan na kaladkad ng mga paa nito habang naglalakad upang maiwasan nitong lumikha ng basa sa dinaraanan.

Dinampot niya ang mga pinamili ni Nimfa na inilapag nito makapasok ng kusina. Ipinatong niya ang mga iyon sa tiles sa kusina. May ginagawa ang kasambahay nila, inaalagaan ang tatlong taong gulang nilang anak. Ang panganay nila, anim na taong gulang, ay nanonood ng TV.

Maya-maya, lumabas ng kuwartong lagayan nila ng mga damit si Nimfa. Nakapagpalit na ito ng damit. Natuyo na rin nito ng tuwalya ang buhok.

Nagpakulo ito ng tubig at inayos sa kusina ang mga pinamili nito. Hindi nito ipinagkakatiwala sa kasambahay nila ang pagluluto.

Alam niya, hinihintay ni Nimfa kung sisisihin niya ito dahil sa pagkabasa sa ulan. Pero nakatapos itong magkape, magpahinga, magpahid ng alkohol, maligo, magbihis, magluto hanggang sa kumain sila ng hapunan at manood ng TV ay wala siyang sinasabi.

Pero naisipan ni Nimfa na tingnan ang cellphone nito.

“Nag-text ka pala,” sabi nito. Umupo uli ito sa sopa, karga ang bunso nila.

“Oo,” sagot niya, walang planong pahabain ang usapan.

Pero sinabi ni Nimfa:

“Hindi ko na inisip bumili ng payong dahil baka magalit ka. Baka sabihin mong nag-aaksaya ako ng pera dahil sobra na ang mga payong natin.”

Kailangan na rin lamang magsalita, nagpaliwanag na siya: “Depende ‘yon sa sitwasyon. Kanina, okey lang bumili ka ng payong kahit me mga payong na tayo dahil mababasa ka ng ulan.” Mahina ang boses niya. Gusto niya’y nagpapaliwanagan lamang sila, hindi nagtatalo, lalo’t kaharap nila sa salas ang dalawang anak. Nasa kusina ang kasambahay nila, naghuhugas ng pinangkanan.

“E bakit kung minsan, sinasabi mong hindi kailangan ang ibang binibili ko?”

“Oo. Pero kanina, hindi sayang kahit bumili ka ng payong.”

“Sinisisi mo ba ako dahil hindi ako nagdala ng payong?”

“Hindi kita sinisisi. Ang sinasabi ko lamang, puwede ka namang hindi nabasa ng ulan.”

“Nagmamadali ako kanina para mabili ang mga kailangan ninyo, para makakain agad kayo.” Lumalakas na ang boses ni Nimfa.

Gayunman, mahina pa rin ang boses niya:

“Puwede naman kaming maghintay kesa magkasakit ka.”

“Hindi baleng magkasakit ako para sa inyo.”

“Kung iniisip mo kami, sana’y ingatan mo ang sarili mo. Nalulungkot kami pag nagkakasakit ka. Nahihirapan din kami dahil hindi mo kami maasikaso. Gastos din iyon. Sana’y nagagamit na natin ang pera sa iba pa nating kailangan kesa ibayad sa duktor at ibili ng gamot.” Mahina pa rin ang boses niya.

“Lahat ng ginagawa ko e para sa inyo!”

Hindi na kumibo si Rodel. Magpapaikut-ikot na lamang ang pag-uusap nila.

Maraming pagkakataon na ganito ang misis niya. Nababasa ito ng ulan o nabibilad sa matinding init ng araw kahit maiiwasan naman nito. Kung minsan naman, kahit sinasabihan niya itong magpahinga na lamang ay itinutuloy pa rin nito ang gustong gawin, halimbawa’y magsaing, gayong puwede namang ang kasambahay na nila – o kahit siya – ang gumawa niyon. Tapos, panay ang daing nito.

May ilang kapitbahay na humahanga kay Nimfa habang naglalakad sa kalsada sa katanghaliang-tapat o inaabot ng ulan sa pagbili ng pagkain o gamot. Ulirang ina ng tahanan si Nimfa, sabi ng mga ito.

Hindi na lamang niya kinokontra ang mga kapitbahay nila. Ayaw naman niyang lumabas na pangit ang misis niya sa paningin ng iba.

Natatandaan pa niya noong nasa kolehiyo pa lamang sila ni Nimfa. Magkasintahan na sila noon. Basambasa ito ng ulan noong dalawin siya nang magkatrangkaso siya.

Bagbag na bagbag ang damdamin niya. Nagtiis itong mabasa ng ulan para lamang dalawin siya!

Hindi lamang iyon. Humahakab ang basang uniporme nito, bakat na bakat ang magandang hubog ng katawan ng kaniyang kasintahan.

Noon din, naipasya niyang hindi niya pakakawalan si Nimfa!

HANGGANG sa mahiga sila ay kibuin-dili siya ni Nimfa. Ipinararamdam nito sa kaniya ang pagtatampo. Ang nasa isip talaga nito ay nagsasakripisyo ito para sa kanilang pamilya pero sinisita pa niya, naisaloob ni Rodel.

Hinayaan na lamang niya si Nimfa. Kung susuyuin niya ito, baka mabale-wala ang mga paliwanag niya. Gusto niyang pag-isipan nito ang mga sinabi niya.

Hindi ba pinapansin si Nimfa noong bata pa kaya nagpapaawa ito upang mapansin? Hindi kaya epekto lamang ito ng panonood nito ng mga drama sa TV?

Hindi siya psychologist kaya hindi niya masasagot. Ang tiyak niya, naaawa pa rin siya sa misis niya kahit kung minsa’y nakakainis na ang ginagawa nito.

Naisaloob niyang magre-research siya sa Internet. O maghahanap siya ng psychotherapist upang maunawaan niya si Nimfa at magpaturo na rin sa psychotherapist kung paano niya pakikitunguhan at kakausapin ang misis niya. Siya ang makikipag-usap sa psychotherapist dahil baka kung ano ang isipin ni Nimfa kung papayuhan niya ito na makipagkita sa psychotherapist. Marami siyang kakilala na kapag nabanggit ang psychotherapist at psychiatrist, ang iniisip na ay may nasisiraan ng ulo. Kaya nga rin hindi na lamang niya ipagmamakaingay ang gagawin.

Hinding-hindi siya nag-iisip na maghuhubad sa lansangan o mananakit ng kapuwa si Nimfa. Kaya nga ordinaryong psychotherapist lamang ang hahanapin niya, hindi pa psychiatrist. Kaya nga rin siya na lamang ang makikipag-usap sa psychotherapist upang magpaturo ng dapat gawin. Sa tingin naman niya’y payo lamang ang kailangan ng misis niya, hindi gamot. Mahilig lamang ito na gayahin ang mga bidang babae sa TV. Pinahihirapan at pinalulungkot tuloy nito ang sarili kahit hindi kailangan. Tulad ngayon, nagtatampo ito – at nalulungkot. Puwede namang masaya ito. Masaya ang pamilya nila.

Gagawin ni Rodel ang lahat para sa kaniyang pamilya.

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.