
Opinions
Ni Nestor S. Barco
MASAYANG-MASAYA silang mag-asawa nang ilabas nila sa casa ang kanilang bagong kotse.
“Sa wakas, nakapagmaneho rin ako ng brand new,” sabi ni Cynthia habang nasa manibela ang kaliwang kamay at nasa kambiyo naman ang kanan.
“Wala na tayong problema sa sira, di tulad sa dati nating kotse,” sabi ni Eddie, na sa unahan din nakaupo. “Kondisyung-kondisyon talaga ito. Me three-year warranty pa.”
“Makapamamasyal na uli tayo sa malayo. Hindi na tayo matatakot tumirik ang sasakyan natin,” sabi ni Cynthia.
“Oo,” sang-ayon ni Eddie.
Pagdating nila ng bahay, pinagkaguluhan ng mga kapatid, hipag at pamangkin ni Eddie ang bagong kotse. Magkakalapit ang mga bahay nila sa isang subdibisyon.
“Ang ganda ng kulay, hindi dumihin!” Gemstone grey mica ang kulay nito.
“Ang cute!”
“Akmang-akma ang laki nito sa inyo dahil tatatlo naman kayo!”
Ngingiti-ngiti lamang silang mag-asawa.
Nang biglang magtanong si Ernie, nakatatandang kapatid ni Eddie: “Automatic ba ‘to?”
“Manual,” sagot ni Eddie.
“Ba’t di pa automatic?”
“Mahal ang automatic.” Si Eddie uli ang sumagot. Sinulyapan niya si Cynthia. Nakita niyang tumamlay ito.
“Hindi baleng me dagdag sa presyo. Napakasarap gamitin ng automatic,” giit ni Ernie.
Sinulyapan uli ni Eddie si Cynthia. Naglaho nang lahat ang saya nito.
Nainis si Eddie sa misis niya. Bago nila binili ang kotse, nagkasundo na sila. Bakit ngayo’y bigla itong tatamlay dahil lamang sa walang ingat na komento ng kapatid niya?
Ayaw niyang magsumbatan silang mag-asawa sa harap ng pamilya niya. Kaya hindi na lamang niya binanggit iyon. Sa halip, ipinaalala niya kay Cynthia:
“Susunduin mo pa si Michael sa school.” Si Michael ay kaisa-isa nilang anak na nasa grade five.
Tumango lamang si Cynthia, hindi makapagsalita.
Bigla, malungkot na malungkot na rin si Eddie.
NOONG nagbabalak pa lamang silang bumili ng bagong kotse, ganito ang sabi ni Cynthia:
“Gusto ko e automatic para magaan gamitin.” Manual ang transmission ng una nilang kotse. Automatic naman ang ikalawa. Parehong segunda-mano nila nabili ang mga ito.
“Oo,” sagot ni Eddie. Talaga namang gusto niyang ang misis niya ang pumili ng bibilhin nilang kotse dahil ito ang nagmamaneho ng sasakyan nila: sa paghahatid-sundo sa anak nila sa paaralan, sa pamamalengke, sa pagpunta sa duktor at maging sa pamamasyal. Siya ay nagpapahatid at sundo na lamang kay Cynthia papunta at pauwi ng imprenta nila. Kung minsa’y sumasakay na lamang siya ng pedicab o naglalakad na lamang siya dahil hindi naman napakalayo nito sa bahay nila.
Pero ang problema nila ay pera. Nagbalak silang bumili ng bagong kotse hindi dahil sa nagkapera sila kundi dahil hirap na hirap na silang gamitin ang kotse nila, na laging sira.
Nanalangin silang mag-anak sa Diyos na pagkalooban sila ng maayos na sasakyan.
Noong una, palibhasa’y kapos ang pera nila, segunda mano pa rin ang hanap nila, hindi na nga lamang masyadong luma. Ang unang dalawang kotse nila ay parehong mahigit sampung taon nang nagagamit ng may-ari nang mabili nila.
Nagtanong sila sa mga kakilala. Nag-surf sila sa Internet. Tumingin sila sa displeyan. Pero wala silang makitang gusto nilang kotse. Kung minsan, makakaya nila ang presyo pero luma na. Kung minsan naman, bago pa pero namamahalan naman sila. Natatakot din silang sirain ang mabili nila.
Noon naisip ni Cynthia na brand new na ang bilhin nila.
“Kahit pinakamurang brand new e wala tayong pambili nang cash” sabi ni Eddie. Ayaw nilang kumuha ng hulugang sasakyan dahil malaking halaga ang inaabot nito dahil sa tubo. Hindi rin sigurado ang kita ng kanilang imprenta. Kung minsa’y malakas, kung minsa’y mahina. Baka mabatak pa ng banko ang kotse nila.
“Ano kaya’t umutang ka ke Kuya Rufo?” suhestiyon ni Cynthia. Si Rufo ay nakatatanda ring kapatid ni Eddie. Nakaririwasa ito.
“Hindi madaling magsabi,” sabi ni Eddie.
“Manalangin tayo para maging maganda ang sagot niya,” sabi ni Cynthia.
“Sige,” sagot ni Eddie. Naisaloob niyang mainam na rin ang brand new upang makapili sila ng gusto nilang kotse, pati kulay nito, hindi tulad sa segunda-mano na kung ano na lamang ang matiyempuhan nilang ibinebenta at makakaya ng badyet nila.
Nanalangin silang mag-anak. Nag-ipon din siya ng sapat na lakas ng loob bago niya kinausap ang nakatatandang kapatid. Pumayag naman ito na pautangin sila pero hindi sinlaki ng sinabi niyang halaga na pandagdag sa napagbentahan ng segunda-mano nilang kotse at kaunting naipon nila.
“Ang solusyon na lamang para makabili tayo ng brand new e manual transmission,” sabi ni Eddie.
Hindi nakakibo si Cynthia.
Idinugtong ni Eddie: “Pag-isipin mong mabuti. Mahirap ‘yong magsisihan tayo kung kelan nabili na natin ang kotse.”
Kinabukasan, ganito ang sinabi ni Cynthia: “Sige, payag na ako sa manual.”
“Sigurado ka, ha? Walang sisihan pagkatapos.”
“Sigurado ako. Walang sisihan pagkatapos.”
PERO bakit ngayon ay tinabangan na ito sa kotse nila?
Gayunman, hindi niya sinumbatan si Cynthia. Naisaloob ni Eddie na lalong kawawa ang lalabasan nila kung magkakagalit pa sila. Sa halip na saya, lungkot pa ang dulot sa kanila ng bagong kotse nila. Bale ba, magbabayad pa sila ng malaking utang sa kaniyang kapatid!
Naaawa na rin siya kay Cynthia dahil sa nakikita niyang lungkot nito.
Kung ibebenta naman nila ang kotse, tiyak na babaratin sila.
Pero siya, hindi ba’t talagang gusto niya ang nabili nilang kotse? Mas matipid ito sa gasolina kaysa nauna nilang dalawang kotse na parehong 1.6-liter ang mga makina. Nakatitipid na sila ng pera, nakatutulong pa sila sa pagsugpo sa global warming. Hindi napakalaki ng halaga nito kaya hindi nasasakripisyo ang iba pang ginagawa nilang mag-anak na nangangailangan din ng paggasta, tulad ng pamamasyal. Naisip din niya: Humingi sila sa Diyos. Ito ang dumating sa kanila. Bakit sila magrereklamo?
Ipinakita ni Eddie sa misis niya ang pagpapahalaga niya sa kanilang kotse. Lagi niyang tsine-check ito. Nililinis. Kapag may pinupuntahan silang mag-anak, hindi man siya nagsasalita, makikita sa kilos niya na sarap na sarap siyang sumakay sa kotse nila. Malimit ding makita ni Cynthia na minamasdan niya ang kanilang kotse. Iniwasan na lamang niyang banggitin pa ang tungkol sa transmission nito.
Isang araw, sinabi sa kaniya ni Cynthia:
“Napansin ko, mahal na mahal mo ang kotse natin.”
“Siyempre, ngayon lang ako nagkaroon ng kotse na brand new at talagang gusto ko,” sagot ni Eddie. Pabiro pa niyang idinagdag: “Hanggang ngayon nga, hindi pa rin ako makapaniwala na kotse na natin ‘yan.”
Napatawa si Cynthia.
Mula noon, napansin ni Eddie na nagbago ang pagtingin nito sa kotse nila. Alagang-alaga na nito ang kotse. Kapag lumalakad silang mag-anak, masaya ito sa pagmamaneho.
Muli, napatunayan niyang mahal siya ng misis niya. Pinahahalagahan nito ang bagay na mahalaga sa kaniya.
Masayang-masaya uli sila.
MALAKAS na rin lamang ang loob dahil alam niyang kahit paano ang mangyari ay pahahalagahan ni Cynthia ang kotse nila, naisipan ni Eddie na tingnan sa Internet kung ano nga ba ang mga pagkakaiba ng manual transmission at automatic transmission bukod sa mas mura ang una pero mas maginhawa namang gamitin ang huli.
Binanggit agad niya kay Cynthia ang nabasa:
“Mas matipid pala sa gasolina ang manual. Mas matipid din sa maintenance at repair. Maitatabi natin ang pera o magagamit sa iba pang pagkakagastahan. Hindi ka naman araw-araw na nagmamaneho sa buhul-buhol na trapik kaya hindi ka rin masyadong mapapagod sa manual. Mas angkop din pala ang manual transmission sa 1.2-liter na makina natin para nagagamit nang husto ang limitado nitong engine power. Na kailangan dahil lagi tayong umaakyat ng Tagaytay.”
“Akmang-akma pala talaga sa paggamit natin ang kotse natin,” nasabi ni Cynthia.
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.