
Opinions
![]() |
Kawawang lalakiUnang yugto |
Ni Nestor S. Barco
Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.
TULAD ng dati, napuna ni Elmer na walang anuman sa mga kasamahan sa trabaho kahit makitang magkasabay sila ni Merly palabas ng opisina. Walang nabago sa ekspresyon ng mukha ng mga ito. Ipinagpatuloy ng mga ito kung anuman ang ginagawa.
Sabagay, kulang-kulang isang taon nang lagi silang magkasabay ng dalaga kung lumabas ng opisina kapag pauwi na. Naghihintayan talaga sila. Nasanay na ang mga ito.
Hindi sila pinansin kahit ng security guard habang palabas sila ng gusali ng publikasyon. Nasanay na rin ito.
Ngayong gabi, kakain uli sila ni Merly sa paborito nilang restawran sa M. H. del Pilar St. Kanina pa nila napagkasunduan ito. Hindi kamahalan doon pero masasarap ang mga pagkain. Ayaw ni Merly na sa mamahaling restawran sila kumain. Ni ayaw nitong magtaksi sila. Ayaw nitong pagastusin siya nang malaki. Ilang beses na itong nagpahayag ng pagkahiya sa lagi niyang paglilibre. Sinabihan nga lamang niya itong huwag alalahanin iyon dahil nasasayahan naman siyang kasama ito – na totoo naman. Isa pa, maayos naman ang kaniyang suweldo bilang associate editor ng pinagtatrabahuhan nilang broadsheet.
Bukod sa paglilibre sa pagkain sa labas, lagi rin niyang inililibre si Merly sa pasahe pauwi ng Cavite mula sa opisina nila sa Port Area, Manila. Siya ay sa Imus nakatira at sa Bacoor naman si Merly. Siya ay taal na Kabitenyo. Si Merly naman ay isinilang at lumaki sa Maynila. Pero limang taon na ang nakararaan, nakabili ang mga magulang nito ng house and lot sa isang subdibisyon sa Bacoor.
Sinulyapan ni Elmer ang magagandang binti ni Merly na nasinagan ng ilaw ng sasakyan sa likuran nila nang sumasakay na sila ng pampasaherong dyip na dadaan sa paborito nilang restawran. Tulad ng dati, pinauna niya sa pagsakay ang dalaga. Nakapalda ito. Nagdulot sa kaniya ng kasiyahan ang magandang tanawing iyon.
Ang totoo, mas gusto ni Elmer na sa pampasaherong dyip sila sumasakay. Bukod sa matipid, magkatabi sila ni Merly. Nagkakadikit ang mga katawan nila, lalo’t puno ng mga pasahero. Sa taksi, puwedeng nakaupo siya sa unahan, katabi ng drayber, habang sa likuran naman nakaupo si Merly. Kahit parehong sa likuran sila nakaupo, nasa magkabilang gilid naman sila. Gustung-gusto niya ang dama ng katawan ng dalaga sa katawan niya. Nalalanghap din niya ang likas na samyo ng katawan nito. Napakalinis ni Merly sa katawan.
Pagdating sa tapat ng paborito nilang restawran, nauna siyang bumaba ng pampasaherong dyip. Inalalayan niya si Merly sa pagbaba nito, na gustung-gusto naman niyang gawin dahil nagkakaroon siya ng pagkakataong mahawakan ang kamay nito. Damang-dama niya ang lambot ng palad ng dalaga.
Ipinagbukas niya ng pinto si Merly papasok ng restawran. Iniayos din niya ang upuan nito nang nasa loob na sila.
“Pumili ka ng gusto mo,” sabi niya kay Merly habang binabasa nila ang menu card na iniabot ng waiter nang makaupo na sila.
“Sige. Ikaw ang bahala. Ikaw naman ang magbabayad, e,” tugon ng dalaga. Napatawa ito. Napatawa rin siya.
Gustung-gusto niya ang malambing na boses at masiglang tawa ni Merly. Gustung-gusto rin niya ang nangingislap nitong mga mata habang tumatawa ito.
Natitigan pa niya ang medyo makakapal nitong mga labi. Ang sarap sigurong halikan ang mga labing iyon! naisaloob ni Elmer.
Minasdan ni Elmer ang buhok ni Merly sa pagkakatungo ng dalaga habang namimili ito sa menu card ng oorderin. Hanggang balikat ang maitim nitong buhok at hati sa gitna ang pagkakasuklay. Napakaayos ng pagkakasuklay ng buhok nito. Lagi ring malinis at nangingintab.
“Paspasan ang trabaho natin kanina, ano?” baling ni Elmer kay Merly nang masabi na nila sa waiter ang kanilang order.
“Oo,” tugon ng dalaga. “Di bale. Sanay na naman ako.”
Talaga namang laging paspasan ang trabaho sa pahayagan, lalo’t malapit na ang deadline. Binanggit lamang iyon ni Elmer upang may mapag-usapan sila. Kung minsan, kapag magkasama silang kumakain sa labas ay pareho silang biglang natatahimik. Nakadarama sila ng pagkaasiwa sa sitwasyon. Bakit nga ba laging yayakagin ng isang binata ang isang dalaga upang kumain sa labas, bukod sa laging paglilibre sa pasahe, kung wala naman siyang balak ligawan ito? Kahit sino ang makaalam sa mga ginagawa niya, tiyak na iisiping may kursunada siya kay Merly.
Nararamdaman niya, nag-iisip na rin si Merly. Nahihiya lamang itong magtanong.
Asikasung-asikaso siya ni Merly, tulad ng isang ulirang kabiyak sa kaniyang mahal na mister, habang kumakain sila makaraang dumating ang kanilang order.
Naisaloob ni Elmer na tiyak na lagi siyang gaganahang kumain kung ganito ang gagawing pag-aasikaso sa kaniya ni Merly kung mag-asawa na sila. Bukod pa sa pangyayaring mahusay magluto ang dalaga. Malimit, nagdadala ito sa opisina ng pagkaing ito ang nagluto at pinasasalo siya. Kaya kung lagi man niyang inililibre si Merly sa pasahe, malimit naman siyang libre sa pagkain. Naisaloob din niyang kung magiging mag-asawa sila, malamang na magiging maligaya sila dahil magkasundung-magkasundo na sila ngayon pa lamang. Maaangkin na rin niya ang dalaga. Kahit araw-araw. O gabi-gabi. Nasa hustong gulang na naman siya upang mag-asawa, 30-anyos. Gayundin si Merly na 26-anyos. Kapuwa rin sila malayang-malaya. Binatang-binata siya at walang girlfriend sa kasalukuyan. Dalaga si Merly at tiyak na wala ring boyfriend. Kung may boyfriend ito, na hindi taga-publikasyon nila, disin sana’y sinusundo ito kahit paminsan-minsan man lamang.
“Gising pa kaya si Mervin pagdating mo sa inyo?” banggit ni Elmer kay Merly habang nagpapahinga sila matapos kumain. Nakapagbayad na siya at naghihintay na lamang ng sukli. Alas-10:15 na.
“Malamang tulog na iyon,” tugon ni Merly. “Me pasok siya bukas.”
Si Mervin ay anak ni Merly. Anak sa pagkadalaga. Pitong taong gulang na ang batang lalaki. Una niyang nalaman ito mula sa isang babaeng kasamahan nila sa trabaho. Nagkuwento rin mismo si Merly sa kaniya tungkol sa nakaraan nito nang lagi na silang nagsasabay sa pag-uwi.
Nang dumating ang sukli, nag-iwan si Elmer ng kaunting tip at lumabas na sila ng restawran.
Sumakay uli sila ng pampasaherong dyip. Muli, sinulyapan niya ang magagandang binti ni Merly na nasinagan ng ilaw ng sasakyan sa likuran nila habang umaakyat ito ng pampasaherong dyip at nakasunod naman siya.
Inalalayan uli niya si Merly nang bumaba sila sa Edsa Extension sa Pasay City.
Inalalayan ito habang tumatawid sila sa Roxas Blvd. sa ilalim ng flyover. Nahahawakan niya ang braso nito. Sabihin pa, gustung-gusto niyang gawin iyon.
Sinulyapan uli niya ang magagandang binti nito habang umaakyat ito ng pampasaherong dyip na biyaheng Cavite at nakasunod uli siya. Gandang-ganda talaga siya sa mga binti ni Merly.
“Ingat,” sabi niya kay Merly nang pababa na ito ng pampasaherong dyip.
“Salamat. Ingat din,” tugon nito, nakangiti.
“Salamat,” tugon din niya, nakangiti rin.
Sasakay na lamang si Merly ng traysikel pauwi ng bahay.
Dalagang ina si Merly. Iyon ang dahilan kaya nag-aalangan siyang ligawan ito!
ITUTULOY
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.