
Opinions
By Nestor S. Barco
NALUNGKOT si Ricky nang makita niya ang ayos ni Myra pagpasok niya ng faculty room.
Gayunman, nginitian pa rin niya ito. “Hi!” bati pa niya.
Ngumiti rin naman ang dalaga. “Hi!” tugon nito.
Pagkatapos, itinuloy na nito ang pagtsi-check ng test papers.
Tungung-tungo ang ulo nito sa ginagawa. Parang wala siya roon.
Lalo siyang nalungkot.
Kung tutuusin, wala namang problema sa ayos ni Myra. Malinis naman ang mukha’t katawan nito. Wala itong amol sa mukha o tibatib sa leeg, sakali mang nakapulbos lamang ito, walang make-up. Pati damit nito ay malinis at maayos, maganda pa nga ang pagkakaplantsa.
Hindi rin naman nang-uuri ng kapwa si Ricky batay sa pananamit. Lalong hindi iba ang tingin niya sa mayaman at iba sa mahirap. Itinuturo pa nga niya sa kaniyang mga estudyante na pantay-pantay ang lahat ng tao, mayaman man o mahirap.
Ang problema ni Ricky sa ayos at kilos ng dalaga ay walang pagbabago sa mga ito mula nang magkakilala sila. Nagsimulang magturo sa pamantasang iyon si Myra sa pagbubukas ng school year. Siya naman ay sampung taon nang nagtuturo roon.
Hinihintay niyang may mabago kahit kaunti sa ayos at kilos ni Myra. Tiyak na mapupuna niya iyon. Hindi naman niya hinahanapan si Myra na pumorma nang husto. Iyon bang magpagupit man lamang ito ng buhok na tiyak na mapupuna ng kaharap. O gumamit ito ng magagandang ipit sa buhok. Sumusuweldo naman ang dalaga at hindi malaking gastos ang alinman sa mga iyon.
Sa palagay ni Ricky, walang interes sa kaniya si Myra.
Kung may interes ito sa kaniya, kahit paano ay may mababago sa ayos at kilos nito.
Nginingitian naman niya ito at laging binabati. Alam nitong kahit paano’y magaan ang loob niya rito.
Ang kongklusyong ito ni Ricky ay batay sa kaniyang karanasan. Ang eksaktong nangyari: may nagsabi sa kaniya na kapag may gusto sa iyo ang babae, kahit paano’y may mababago sa ayos at kilos nito. Pagkatapos, napatunayan niya ito batay sa karanasan sa mga dating girlfriend niya.
Natatandaan pa niyang nagsimulang magpulbos at maging maayos sa pananamit noon si Beth.
Naging magaganda ang mga ipit sa buhok ni May.
Nagpagupit ng usong gupit noon si Melba.
Si Cindy ay naging maayos sa pananamit.
Lahat sa mga ito ay natataranta pag nilalapitan niya, na nawawala na lamang pag matagal na silang nag-uusap. Parang matatapilok ang mga ito kapag alam ng mga ito na pinanonood niya habang naglalakad.
Nalulungkot si Ricky sa ayos at kilos ni Myra dahil kursunada niya ang dalaga. Mukhang wala itong gusto sa kaniya. Bale ba, sa edad niya ay nag-iisip na rin siya ng pag-aasawa.
Gayunman, pinakikitunguhan pa rin niya nang maayos ang dalaga. Binabati at nginingitian niya ito tuwing magkikita sila.
Dati, kapag nahalata niyang walang interes sa kaniya ang isang babae na nagugustuhan niya, hindi na niya ito pinapansin. Wala siyang pakialam kahit mapahiya ito sa mga nakakakita.
Mas maunawain na siya. Nagkakaedad na siya. Marami na rin siyang karanasan sa buhay. Alam na niya kung paano ang masaktan. Kaya isinasaalang-alang na niya ang damdamin ng kapwa.
Iniisip din niyang hindi naman puwedeng lahat ng babaeng magustuhan niya ay magkakagusto rin sa kaniya.
Bihira siguro, kung mayroon man, na lalaking lahat ng nagustuhang babae ay nagkagusto rin sa kaniya.
Siya, sakali mang hindi pa siya nakararanas mabasted, hindi nangangahulugang bawat nagustuhan niyang babae ay nagkagusto rin sa kaniya. Hindi lamang talaga siya nagpapabasted. Kapag sa tingin niya ay walang gusto sa kaniya ang babae, inaayawan na niya ito kaysa mapahiya pa siya.
Iginalang niya ang damdamin ni Myra.
Malaya ito kung sinumang lalaki ang magugustuhan nito, naisaloob niya.
Isa pa nga, kahit walang palatandaang may interes din ito sa kaniya, maayos naman ang pakitungo nito sa kaniya.
Kaya pinakikitunguhan din niya ito nang maayos.
Nadaraig ng pang-unawa ang kaniyang lungkot. Kahit paano, gumagaan ang kaniyang pakiramdam.
Pero minsan, nalingunan niya si Myra na nakatingin sa kaniya.
May nabasa siya sa mga mata nito.
Hindi siya maaaring magkamali kahit pa nga matagal na ring hindi uli siya nanliligaw. Kilalang-kilala niya ang tinging iyon.
Natatandaan niyang nakita niya ito noon sa mga mata ni Beth.
Nakita sa mga mata ni May.
Gayundin sa mga mata ni Melba.
At mga mata ni Cindy.
Parang hinaplos ang puso niya sa galak sa mga pagkakataong iyon noon.
Gayundin ngayon.
Sa totoo lang, hindi pa naman talaga niya isinusuko ang pagtingin niya sa dalaga. Sa kaniyang sarili, umaasa pa ring siyang magugustuhan ni Myra. Na isa rin marahil dahilan kaya maayos pa rin ang pakitungo niya sa dalaga.
Buti na lang, maayos pa rin ang pakitungo niya kay Myra kahit akala niya ay wala itong gusto sa kaniya, naisaloob niya.
Malakas na ngayon ang loob niyang ngitian ang dalaga.
Pagkalipas ng dalawang linggo, niligawan na niya ito.
Pagkaraan ng dalawang buwan, sinagot siya nito.
Masaya sila bilang magkasintahan.
May mga hilig pa nga sila na pareho, tulad ng panonood ng alon sa dagat at paglalakad.
Iniisip na nga niya na pagdating ng akmang panahon, yayakagin na niya ang girlfriend na pakasal.
Kung minsan, naiisip pa rin niya kung bakit gayon ang ayos at kilos noon ni Myra.
Binanggit niya iyon sa girlfriend.
Natawa si Myra. “Iniisip mo pa pala ‘yon.”
“Oo,” sagot niya. “Akala ko kasi wala kang gusto sa akin.”
“Crush na kita noon,” pag-amin ng dalaga.
“Ha! E, bakit walang nagbago sa ayos at kilos mo?” Pakipot ba ang girlfriend? Gusto siyang pahirapan muna? O hindi naman lahat ng babae ay nag-iiba ang ayos at kilos pag may gusto sa lalaki?
“Nahahalata naman kita na inoobserbahan mo ako. Tinitiyak ko pa kasi ang damdamin ko kaya wala akong binabago sa kilos at ayos ko. Kung aasa ka, kawawa ka naman kung basted ka pala. Kung mapipilitan naman akong sagutin ka dahil umasa ka na, unfair naman ‘yon sa akin. Sinagot man kita, tiyak kong mahal nga kita,” paliwanag ni Myra.
Maligayang-maligaya siya sa narinig. Nangingislap ang kaniyang mga mata. “Talaga?”
“Oo,” sagot ni Myra. “Bakit, me duda ka?”
“Wala!” mabilis niyang sagot.
WAKAS
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.