
Opinions
Huwag akalaing kung kaya nilisan,
ang iyong malusog, maamong kandugan;
Na ako’y nagtaksil sa mutya kong bayan,
Sana’y unawain ang katotohanan!
***
Tumalikod ako dahil sa adhika,
Na ang kalungkutan, iwasang lumubha;
Ang iyong larawan sa aking gunita,
Mabigat na pasan, makayanan kaya!
***
Ikaw walang iba na makakapantay,
Ang bukal sa pusong aking pagmamahal;
Sa bayang kong mutyang tanging sinilangan,
Tapat na pag-ibig, magpakailanman!
***
Huwag magkamali na isipin ngayong
maligaya ako sa bayang umampon!
Paquito Rey Pacheco