
Opinions
Sa Diyos na Haring sadyang maawain,
Bukod tanging dasal, hiling na taimtim;
Kami ay kasihan kahit ilang supling,
Matapat ang sumpang sila’y mamahalin!
***
Tinugon ang aming hiling at panata,
Palaging karamay sa ginhawa’t dusa;
Matibay na ngayon ang aking pag-asa,
Sa araw at gabing may bagong umaga!
***
Aming mga supling sadyang magagalang,
Walang bahid dungis ang pagmamahalan;
Gayon din sa akin na tanging magulang,
Kung nagkakamali, “dahil tao lamang”!
***
Magiging mabisa ang pananalangin,
Kung bukal sa puso, diwa at damdamin!
Paquito Rey Pacheco