Eh Kasi, Pinoy!

Ang buhay ng tao, maikli’t mahaba,
Sa tahanang dibdib ng mayamang lupa;
May sadyang malakas at kusang mahina,
Maraming hikahos, iba’y masagana!
***
Sa araw at gabi “ang gulong ng palad,”
Tuloy ang pagikot na hindi maawat;
Mariwasa noon nalugmok sa hirap,
Ang yamang namana, nawala at sukat!
***
Lakas ng katawan ay ayaw gamitin,
Bagamat palagi, na nananalangin;
Na sa bawat araw bigyan ng kakanin,
Ngunit umiiwas, sa pawis manggaling!
***
Madaling magtampo ang kaligayahan,
Sa buhay ng tao, kung pababayaan!
Paquito Rey Pacheco