Published on

Hinagap ni Paquito Rey Pacheco

Kapighatian

Naglipanang tinik sa nilalakaran,
Kung pabigla-bigla ay matatapakan;
Mag-ingat ang laging kinakailangan,
Sapagkat ang dulot ay kapighatian!

***

Sa pitak ng diwa na kusang natanim,
Bawat kabiguan may araw na angkin;
Ano mang pagsubok ay dapat harapin,
May lunas na laan sa bawat panimdim!

***

Ang kaligayahang alipin ng dusa,
Sa rehas ng hapis dapat makapuga;
Kaparis ng gabi at bagong umaga,
Nasa pagsisikap ang sukling ginhawa!

***

Karaniwang taong “lumaki sa layaw,”
Natitinik lagi sa landas ng buhay!

 Paquito Rey Pacheco