
Opinions
Ang mata at pisngi, mugto at luhaan,
Magulo ang isip puso ay sugatan
Kanilang mga paa, mabigat ihakbang,
Nang mangibang bansa dahil sa kawalan!
***
Kanilang mga mahal sa nilisang bansa,
Nais na maagaw sa pagdadalita
Mahango sa hirap ang tanging adhika;
Ang buong katawan handang maisangla!
***
Turing sa kanila, bayani ng bayan,
Dahil nag-aambag sa bansa ng yaman;
Subalit kung sila’y nasa kagipitan,
Tulong sa kanila ay palaging kulang!
***
Masayang salubong sa umuwing buhay,
Dulot ay hinagpis kung isa nang bangkay!
Paquito Rey Pacheco