
Opinions
ni Junie Josue
Mahilig ang mga Pinoy sa mga kasabihan o salawikain. Alam n’yo bang may mga may mga salawakian na nasa biblia. Ito ang isa mula sa aklat ng Kawikaan 14:12, “May daanan na para bang tama sa palagay ng isang taong pero ang dulo nito ay kamatayan.”
Sa kilalang libro ng mga bata na may pamagat na Alice in Wonderland, napunta si Alice sa isang kalye na nagsasangay-sangay sa iba’t ibang direksyon. Humingi ng payo si Alice mula sa isang pusang nagngangalang Cheshire.
Ang sabi ni Alice, “Maaari bang sabihin mo sa akin kung saan ako dapat pumunta mula dito?”
Sumagot si Cheshire, “Depende kung saan mo gustong makarating.”
Nagsalita muli si Alice, “Wala akong pakialam kung saan.”
Sumagot muli ang pusa, “Eh di wala ring halaga kung saan ka man dumaan.”
Minsan kapag nagbabaskayon kaming mag-anak sa isang lugar, gusto lamang namin baybayin ito. Wala kami talagang destinasyon. Gusto lang namin mamasyal. At natutuwa kami dahil tinuturing naming isang adventure ito. Pero madalas kung kami ay nagbibiyahe para makapunta sa isang partikular na destinasyon, ang kalyeng daraanan natin ay mahalaga. Lalo na sa winter, iiwas kami sa madudulas na kalye. Kapag gahol na kami sa oras, hahanap ako na short cut.
Sa ating buhay lalo na sa mga malalaking desisyong sa ating buhay, hindi puwedeng basta basta na lamang tayo magdedesisyon dahil kung magkataon, mapapahamak tayo. Napupunta ang tao sa maling landas sa buhay dahil sa iba’t ibang dahilan. May mga taong dahil sa kanilang pagkagahaman ay manloloko ng kanilang kapuwa para yumaman. Nabulagan sila dahil sa kanilang pagiging makasarili. Wala na silang makitang mali sa kanilang ginagawa sa patuloy na paggawa nila ng mali. Ang nakikita nila ay ang kanilang pagyaman at ang mga luhong nais nilang makamtam. Kulungan at kahihiyan ang naging destinasyon ng mga taong ito.
Ang iba naman ay naliliko ng landas dahil sa kanilang desperasyon. Napagdaanan na sila ng mahabang panahon at wala pa rin silang asawa. Dumating sila sa punto na pumatol sa taong may asawa. Ang sinisigaw nila ay may karapatan din silang lumigaya. Pero ang hindi batid ng karamihan sa kanila, lolokohin, pagsasamantalahan, bibiguin at iiwanan lamang sila ng mga taong ito. Maaaring magtagal ang kanilang relasyon pero walang tunay na kapayapaan silang madama dahil hindi nila mapagkakaila na mali ang kanilang ginagawa.
Ang ilan naman ay naliko ang landas dahil sa kanilang pride. Umasa sila sa kanilang sariling talino at galing. Akala nila sapat na ito para maging magtagumpay. Sumabak sa isang negosyong alanganin. Naubos ang kabuhayan pati na rin ang mga ipon. Maaaring magtagumpay tayo kahit na alanganin ang mga ginagawa natin pero may kasabihan na kung ano ang ating tinatanim ay siya rin nating aanihin. Pansamantala ang sarap, ginhawa at ligaya na dulot ng maling gawain. Walang natatago sa mata ng Diyos. Kahit ang pinakatatago nating lihim ay nalalaman niya. Ang sabi sa biblia sa Awit 37:1, huwag daw tayo mabahala sa mga gumagawa ng masama o mainggit sa kanila dahil tulad ng damo, sila ay matutuyot, tulad ng luntiang halaman, sila ay mamamatay. Kapahamakan ang naghihintay sa mga patuloy na gumagawa ng masama hindi man dito sa lupa, may hustisyang naghihintay sa kabilang buhay.
Kung ayaw nating mapahamak sa buhay, pakinggan natin ang mga sinasabi sa biblia. Ayon sa Kawikaan 3:5-7, “Magtiwala sa Diyos nang buong puso at huwag umasa lamang sa inyong sariling pang-unawa. Sa lahat ng inyong ginagawa, kilalanin n’yo ang Diyos at gagabayan niya kayo sa iyong daraanan. Huwag kayong maging marunong sa sariling ninyong pananaw. Manampalataya sa Diyos at tumalikod sa kasamaan.”
Hindi ba’t napakadali at nakakarelax ang biyahe lalo na sa malalayong lugar tulad ng States kapag may GPS tayo, yong gadget na madalas ay kinakabit natin sa kotse para ituro sa atin ang daan? Pero maging ang GPS ay may limitasyon. Kapag may ginagawang kalye, hindi nito alam. Ginamit namin ang GPS para pumunta sa isang lugar sa Minneapolis. Laking gulat namin na sa kalagitnaan pa lang kami ng aming biyahe ay may mahabang kalyeng under construction. Sarado ang daan. Walang binigay na ibang daraanan ang GPS. Nagsubok ako ng ibang mga kalye pero dahil hindi ako pamilyar sa lugar, naligaw kami. Inabot ako ng kalahating oras bago ko nakahanap ng tamang daan tungo sa aming destinasyon.
Kaibigan, higit ang karunungan ng Diyos kaysa sa GPS. Alam niya ang pangkasalukuyan, ang panghinaharapat, at ang lahat ng bagay Kung ipagkakatiwala natin ang bawat bahagi ng ating buhay sa kaniya, makakaasa tayo na andiyan palagi ang paggabay niya kahit sa oras ng pagsubok. Makakaasa tayo na hindi tayo mapapahamak at tagumpay ang nag-aabang sa atin.
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30.a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.