Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Love thy parents & protect our health services!

ni Noel Lapuz

Ang artikulong ito ay unang inilathala noong August 1, 2018. Ninais kong ilathala itong muli upang ipaalala sa ating lahat lalo na sa mga halal ng bayan na bigyan ng aksyon ang lumalalang problema natin ngayon sa health services.

Kawawa ang lahat lalo na ang mga matatanda kung patuloy na magde-deteriorate ang mga programang pangkalusugan. Batid nating lahat ang balita noong isang linggo nang patay na ang matanda bago dumating ang homecare service para sa kaniya. Nakakalungkot at nakakayamot.

Dapat na nga bang palitan ang kasalukuyang liderato ng PC government? Kayo na ang humusga.

Ang pagtanda ay isang bahagi ng buhay na dapat ay pinaghahandaan. Nananatili pa rin sa kultura nating mga Pilipino ang pagkakaroon ng extended family na kung saan ay gusto natin na hangga’t maaari ay manatili sa ating pagtingin, pag-aalaga at poder ang ating mga magulang hanggang sa kanilang pagtanda. Ang buong akala ko ay Pilipinong pamilya lamang ang ganito ang kagawian sa pag-aaruga sa mga magulang hanggang sa matuklasan ko ang ilang mga totoong buhay na kuwento na kung saan nagpatibay sa aking paniniwala na ang personal na pag-aaruga sa mga magulang ay isinasabuhay din ng kahit anumang lahi. Dito ko napatunayan ang nagkakaisang diwa ng pagmamahal sa mga magulang sa kabila ng iba’t iba nating kultura at kinagisnan.

Sino ba naman ang hindi gustong magsukli ng pagmamahal sa mga tao na nagsakripisyo, nagtiis, nag-alaga at patuloy na nagmamahal sa atin sa kabila ng ating mga kamalian. Unconditional love ang pag-ibig sa atin ng ating mga magulang. Walang kapalit. Kahit ilang beses tayo nagkamali ay hindi pa rin tayo matitiis at tiyak na patatawarin at yayakapin ng buong puso ng ating mga magulang. No questions asked, tatanggapin nila tayo sa kabila ng ating pagiging mga alibughang anak.

Nakalulungkot isipin na may mga sitwasyon na nang hindi mai-aalis ang mga tampuhan at hindi pagkakaintinidihan sa pagitan ng mga magulang at anak. Ngunit sa bandang huli, sa maraming pagkakataon ay nananatili pa rin ang kapatawaran at pag-ibig. Hindi ko kayang tiisin na magtanim ng poot sa aking puso para sa aking mga magulang. Iniisip ko pa lamang ito ay tila kinikilabutan na ako dahil napakataas ng aking respeto at pagmamahal sa aking Ina at Ama. Hindi kaya ng aking konsiyensya nang magalit sa kanila. Hindi kaya ng aking buong pagkatao na tikisin ang mga tao na naging daan ng Diyos para ako magkaroon ng buhay – ng maayos na buhay.

Kung ikaw man ay may tampo o may galit sa iyong Ama o Ina, siguro isipin mo munang mabuti kung dapat bang patagalin mo ito sa iyong puso o dapat mo ng ibukas ang iyong isip at pang-unawa para magbalik-loob sa kanila. Tandaan mo lagi na wala ka sa mundong ito kung hindi dahil sa iyong mga magulang.

Paano ba maging magulang? What it is like to a parent? Ang sabi ng isang novelist na si Nicholas Sparks: “Being a parent is one of the hardest things you will ever do but in exchange, it teaches you the meaning of unconditional love.”

Ang gobyerno ay dapat manatiling kaagapay ng bawat pamilya sa pag-aaruga sa ating mga magulang. Dahil na rin sa kaabalahan ng buhay ng mga tao ay may mga pagkakataon na inililipat ang mga elderly people sa iba’t ibang mga institutions lalo na kung may mga medical conditions sila at kailangan ang regular na medical attention. Maraming mga factors ang dapat pag-aralan bago ilipat ang isang elderly sa ganitong uri ng institution. Hindi ito isang bagay na kung ginawa ng iyong kaibigan sa kanilang magulang ay gagawin mo na rin. Pag-aaral, assessment at lubos na pang-unawa ng bawat mahal sa buhay ang kailangang gawin bago humantong sa ganitong desisyon. At inuulit ko, hindi lahat ng sitwasyon ay dapat humantong sa pagdala ng ating mga magulang sa mga institusyon. Hindi madaling gawin ito at hindi kagyat ang padedesisyon tungkol dito.

May iba pang mga paraan sa wastong pag-aalaga sa ating mga elderly loved ones upang sila ay mananatili pa rin sa mga tahanan. May programa ang Winnipeg Regional Health Authority (WRHA) na mas kilala sa tawag na home care. Marami tayong mga kababayang Pilipino na bahagi ng programang ito bilang mga health care workers. Saludo ako sa ating mga health care workers sa kanilang pagpuno ng ating mga tungkulin sa pag-aalaga sa ating mga nakatatanda. Ang mga home care health workers ay personal na bumibisita sa tahanan ng ating mga nakatatanda upang tulungan sila sa kanilang mga physical at medical na pangangailangan.

Bukod sa home care ay may isa pang program ang WRHA na tinatawag na Self and Family Managed Care (SFMC). Sa programang SFMC ay may option ang pamilya na pumili kung sino ang gusto nilang mag-alaga sa kanilang mga magulang. Ang programang ito ay nakatutulong sa mga Lolo at Lola na hindi gaanong nakapagsasalita at nakakaintindi ng English. Kung sila ay maaaprubahan sa SFMC ay makapipili sila ng mga health care providers na napakagsasalita ng kanilang language (Ilocano, Bisaya, etc.). Tandaan natin na napakaimportante ng epektibong komunikasyon sa pagitan ng nag-aalaga at inaalagaan. May fund na ibinibigay kung ang matanda ay maaprubahan sa programang SFMC. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa SFMC, bisitahin ang website ng WRHA sa: www.wrha.mb.ca/community/homecare/ o kaya ay tumawag sa telephone bilang 204-788-8330.

Marami marahil ang hindi nakakaalam sa programang ito. Kung tutuusin ay napakaganda ng layunin ng SFMC dahil nagbibigay ito ng options at flexibility para sa mga pamilya na gustong mag-avail ng ganitong uri ng health service.

Alam natin ang budget cuts ng Manitoba government. Sana, hindi maapektuhan ng budget cuts ang SFMC at ang iba pang mga magagandang health programs ng gobyerno.

Ang pagmamahal natin sa ating mga magulang ay hindi natatapos sa pag-aaruga sa kanila. May malaki tayong maiaambag para maproteksyunan ang health services para sa ating mga nakatatanda. Kung akma sa ating mga pangangailangan ay gamitin natin ang mga prebilehiyong katulad ng SFMC. Suportahan po natin ang ating mga health workers.

Ang pagtatanggol sa mga serbisyo para sa ating mga magulang ay katumbas ng ating pagmamahal sa kanila. Love thy parents, protect our health services!

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback