
Opinions
![]() |
May isang kandidatong pikon |
ni Noel Lapuz
May kumatok na kandidato sa aming pinto noong isang araw. Wala ako sa bahay noon pero nakita ko siya mula sa aming doorbell na may camera. Kilala ko siya at kilala niya rin ako. Nagkataon na hindi niya namukhaan ang aking anak o hindi niya talaga kilala. Dinig ko ang usapan nila remotely from the doorbell/camera na may microphone din. Siyempre, ang pakay ng tao ay manuyo at mangampanya. Ang kaso, ang anak ko ay pranka at hindi natatakot sabihin ang kaniyang saloobin. May pinagmanahan siya siguro na titindigan ang sa tingin niya ay tama.
Anyway, sa wikang Ingles ay maayos na sinabi ng anak ko na hindi niya iboboto ang kandidato. Nagbigay ng mga dahilan ang aking anak kung bakit hindi niya iboboto ang naturang tao at tila naging instant debate or forum ang nangyari sa tapat ng aking pintuan.
Sa mga gestures at aksyon ng kandidato ay parang napikon o napahiya yata siya. May kabastusan niyang iniwan ang kanilang pag-uusap at nilisan ang aming bakuran. Gusto ko sanang makisawsaw sa usapan mula sa aking phone pero hindi ko na ginawa dahil natawa ako sa ipinakitang pagiging pikon ng kandidato.
Kapag pumasok ka sa isang bagay lalo na sa pulitika ay siguraduhin mong alam mo ang iyong ginagawa at handa kang panindigan ang iyong paniniwala. Handa ka dapat na sagutin nang maayos at nang may kredibilidad ang mga isyung ibinabato sa iyo. Hindi katanggap-tanggap ang mag-aasta kang untouchable, mayabang, at bastos sa harap mismo ng iyong constituent.
Nagpapatunay lamang na tila hindi yata bagay na maging public servant ang kandidatong ito.
Maraming mga career politicians ang tumatakbo ngayon sa civic elections sa Winnipeg. ‘Yun ay ang mga kandidatong hindi sincere sa kanilang pagtakbo at paglilingkod sa komunidad bagkus ay gusto lang nila na maupo sa kapangyarihan at itinuturing nilang “trabaho” lang ang pagiging halal ng bayan. Nakakalungkot kung ganitong uri ng mga liders ang ating maihahalal. Kaya ingat mga kababayan. Hindi paramihan ng campaign signs ang election. Hindi ulit tunog Pilipino ang apelyido ay iboboto n’yo na. Baka magoyo kayong muli.
May karanasan din akong hindi kagandahan sa kandidatong ito. Early this year ay may ipinangako siyang tulong para sa isang proyekto na aking isusulong. Nag-commit siya sa e-mail pero mula noon ay wala na akong narinig sa kaniya. Hindi na ako nag follow-up dahil ayokong nagmamakaawa at ayos lang naman sa akin kung wala siyang magiging bahagi sa aking proyekto. Hindi naman siya kawalan.
Madaling mabuking ang tao kung peke o totoo. Lalabas at lalabas ang tunay na ugali sa mga pagkakataong hindi nila inaakala. ‘Yun bang tipong magkakabiglaan na lang at mabibisto mo mismo ang masamang ugali ng isang tao.
Ito ang payo ko sa mga kandidato. Huwag ninyong pilitin na iboto kayo. Kung maganda naman ang record ninyo sa komunidad ay hindi n’yo na dapat ipagmayabang ito. Mas bilib ang mga tao sa mga kandidatong simple lang pero kumikilos talaga para paglingkuran ang ating komunidad.
Sa totoo lang, mas saludo ako sa aktibistang si Mang Sel Burrows ng Winnipeg. Hindi siya pulitiko pero ang dami niyang ambag sa komunidad lalung-lalo na sa pagsugpo sa kriminalidad. Hindi siya kandidato pero ang passion niya sa paglilingkod sa kaniyang mga kababayan ay talaga namang daig pa ang mga halal ng bayan. Walang suweldo si Mang Sel, walang extra allowance bilang member ng EPC pero lagi siyang easy to reach hindi tulad ng iba diyan na matapos ang halalan ay hindi na matagpuan.
Wala akong ini-endorsong partikular na kandidato, pero ang payo ko lang sa inyo, pag-aralang mabuti kung sino ang iboboto para hindi sayang ang buwis na ating ipinapa-suweldo sa mga pulitikong ito.
Sa isang pagtitipon sa PCCM kung saan umattend kami ng anak kong si Freedom ay napagkamalan ang aking anak na siya ang tumatakbong konsehal sa isang ward sa Winnipeg. May balbas kasi at bilugan ang katawan ng aking panganay na anak at medyo kulot din na hawig ng isang kandidato. Natawa kaming pareho ng anak ko pero nagpatuloy ang tao sa pagkausap sa aking anak at sinabi pa sa wikang Ingles ang “Sana manalo ka, dahil hindi namin gustong manalo ang kalaban mo.” Oooops!
Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).
Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.
Have a comment on this article? Send us your feedback