
Opinions
![]() |
May natalo na, congratulations! |
ni Noel Lapuz
Kabi-kabila ang panliligaw sa mga botante. Iba’t iba ng gimmicks. Lahat ng kampo ay may kasamang artista. Parang hindi dumaan sa pandemya ang mga tao kung magsiksikan sa mga campaign rallies. Halos nagkakapalitan na ng mga mukha. Talsik ang mga laway ng mga kandidato sa pambobola sa mga tao. Traffic. Maingay. Madumi. Makalat. Ang pagmumukha ng mga politiko sa lansangan ay naglipana. Iba’t ibang kulay. May sumasayaw, may kumakanta, may tumutula, mayroong laging naka-live sa social media. Ang daming vloggers. Ang daming fake reporters. Parang palengke ang virtual na pekeng mundo. Kahit pisikal akong wala sa Pilipinas ay dama ko ang excitement sa darating na halalan. Para mga asong ulol ang mga pulitiko, tulo laway sa mga puwesto.
Pambansang libangan ang eleksyon. Ang polarisasyon ng mga Pilipino ay magpapatuloy. May mananalo pero walang matatalo dahil sasabihin ng natalo na dinaya lang siya. May mag-po-protesta. Hindi mag-ko-concede ang sinuman kahit alam niyang talo talaga siya. Walang magsasabi sa taumbayan ng, “Talo ako.”
Ang reyalidad ng buhay ay hindi laging pagka-panalo. Hindi gloria hallelujah ang bawa’t araw. May pagkakataon na tayo ay mabibigo, matatalo, babagsak, matatapilok, malulugi, at marami pang mga pagkakataon at pangyayari na ayaw nating maganap pero wala tayong magagawa kung ito talaga ang magiging resulta ng buhay sa kabila ng ating pagsisikap. Huwag na huwag nating gagawing halimbawa ang klase ng eleksyon sa Pilipinas dahil ito ay isang malakaing palabas. Tototo na ito’y demokratkong proseso pero tanggapin natin na halos lahat sa mga nagnanais maluklok sa puwesto ay hindi totoong nagmamahal sa bayan kundi nagmamahal sa sariling kapakinabangan. Ganoon din naman ang mga taumbayan. Nag-iisip ang marami ng pansariling benepisyo bilang basehan ng pagboto. Laging nasa survival mode ang mga tao ngayon. Wala na halos nag-iisip ng tunay na pagmamalasakit sa bayan. Kung masasabi mong hindi ka isa sa mga ito eh di, congratulations, sana dumami pa ang katulad mo.
Sorry kung masakit akong magsalita pero masakit talaga ang katotohanan. Minsan kailangan nating marinig ang masasakit na salita para tayo ay matuto or matauhan. Napaka-negatibo ko naman, ang sabi ng marami. Totoo, dahil ang laging pagiging positibo ay hindi pagiging totoo at ito ay pagiging duwag sa katotohan ng buhay. Ang hindi pag-amin at pagtanggap sa negatibo ng buhay ay isang malaking denial.
Mayroon laging nakakalimutan ang mga tao sa paghahanda sa kinabukasan. Ito yung hindi paghahanda sa maaaring mangyaring kabiguan. Ang tipikal na pangarap kasi ng tao ay happy path, happy moments, happy together… laging happy ending. Pero hindi ito ang totoong nangyayari sa buhay natin, hindi ba? Hindi lahat ng gusto natin ang nangyayari. Ang tanong, naging handa ba tayo sa pagharap sa hindi nating gustong mangyari? Noong pumanaw ang Tatay ko noong 2020 ay doon ko lalong na-realize na hindi lahat ng nangyayari sa buhay ko ay puro masaya. Naging ready ba ako nang mawala ang Tatay ko? Malaking, HINDI. Hanggang ngayon ay may sakit sa puso ko tuwing ipapaalala sa akin ng buhay na wala na akong Tatay. Pinaghandaan ko ba ito? Hindi.
Balik tayo sa eleksyon. Handa na ba kayong tanggapin sa sarili ni n’yo na matatalo ang ibinoto ninyo? Paano kung hindi manalo ang Presidente mo? Anim na taon ka bang iiyak at magiging bitter sa buhay? Sa palagay ko, kung maghahanda tayo sa pinaka-worst na mangyayari sa buhay natin ay mas gaganda ang aabangan nating bukas dahil handa tayong harapin ang anumang resulta ng buhay maging ito ay maganda, panalo, pangit or talo. Ang pagiging handa para tanggapin ang pagkatalo ang siyang tunay na magiging panalo sa bandang huli dahil naghanda siya para dito. Noong buhay pa at kalakasan ni Mang Dolphy ay maraming nag-alok sa kaniya para tumakbo sa pulitika. Ang sagot ni Mang Dolphy: “Madaling manalo. Ang problema ko ay kapag nanalo na ako, ano ang gagawin ko?” Minsan, kung sino pa ang mga nanalo ay sila pa yung natatalo. Na-gets ninyo? Alam nating lahat na may limitasyon ang ating mga kakayahan. Kung alam natin sa ating sarili na hindi nating kaya ang isang bagay at imposible itong mangyari ay bakit pa natin gagawin ito? Reality check lang ito. Kung sa palagay ninyo ay kaya ninyong gawin ang mga bagay na gusto n’yong gawin well, by all means, go to town and goodluck! Pero again, hindi tayo pare-pareho ng strengths and weaknesses. Hindi ko kayang gawin ang maging isang full time stay-at-home parent dahil hindi ko ito strength at alam ko sa sarili ko na hindi ko kaya. On the other hand, I can work three jobs all my life at maaaring magdagdag pa ako ng side hustles dahil gusto ko ito at alam kong kaya ko. Kung hindi tayo sigurado, don’t even try it. Sounds negative pero totoo.
Ang pagkatalo ay isang chapter lang ng buhay natin. It is up to us kung gusto nating magdugtong ng bagong chapter ng ating buhay na siguro ay magiging panalo na tayo. It may take time or it may come in a different form. Ibang porma, ibang hugis, ibang pagkakataon pero ito na siguro yung tunay na panalo ng buhay natin.
Be grateful and congratulations, dahil natalo ka na!
Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).
Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.