Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Hindi na nakakatawa

ni Noel Lapuz

Laruan lang ang mga Pilipino ng halos lahat ng mga pulitiko.

Binalikan ako ng isang kaibigan nang sinabi ko sa kaniya na natatawa ako sa komedyang nangyayari sa Pilipinas. Ang sabi niya: “Hindi na nakakatawa.” Tama nga naman siya. Hindi na nakakatawa ang patuloy na paglalaro ng mga pulitiko sa bansang Pilipinas.

Sa mga pulitiko: Huwag na kayong magmalinis. Lahat kayo ay may mga sariling interes kung bakit kayo tumatakbo. Gusto ni n’yo ng power, control, impluwensya, gusto ninyong palawakin at palakasin ang inyong mga negosyo, gusto ninyong magnakaw, at kung anu-ano pang mga pansariling interes. Buong miyembro na ng inyong pamilya ay pulitiko. Wala ba kayong hiya? Wala ba kayong ibang alam kung hindi ang manloko ng kapuwa ninyo? Mula Lolo, lola, tatay, asawa, anak, kabit, apo, bodyguard..lahat na pinatakbo ni n’yo sa mga puwestong wala naman kayong kaalaman. Kulang na lang ay aso ang patakbuhin ni n’yo para lang manatili kayo sa puwesto. Ang sarap ninyong pagmumurahin. Pero, teka kahit murahin kayo ng ilang milyong beses ay sanay na rin kayo. Makapal kasi ang mga mukha ni n’yo at manhid na kayong lahat.

Hindi na nakakatawa dahil ang mga pekeng journalists, pekeng historians, pekeng makabayan, pekeng leaders at marami pang pekeng tao ay naglipana sa baboy na baboy na social media. Wala ng respeto ang tao sa isa’t-isa.

Hindi na nakakatawa ang polarisayon ng mga tao lalo na sa Pilipinas. Puwede naman tayong patuloy na maging magkaibigan sa kabila ng ating mga pagkakaiba pero bakit dahil lang sa pagiging panatiko ng mga tao ay nag-aaway na tayo? Sa palagay ba ni n’yo ipagtatanggol kayo ng mga pulitikong ipinaglalaban ninyo?

Hindi na nakakatawa ang kagustuhan ng mga pulitiko na manatiling mahirap, mangmang at powerless ang mga Pilipino. Hindi papayag ang mga pulitiko na umunlad ang inyong mga buhay dahil wala na silang ma-uuto pagdating ng eleksyon. Tandaan ni n’yo ‘yan! Ang pundasyon ng lahat ng mga pulitiko ay ang patuloy na kahirapan at kamangmangan ng mga tao. Ginagamit lang kayo at mulat ang inyong mga matang nagpapagamit.

Positibo ang ating kaugalian na pagiging palatawa pero may hangganan din ang pagtawa. Hindi na nakakatawa kung paulit-ulit na lang tayong ganito. Aasa, maghahalal ng leader at mabibigo.

Paumanhin sa inyong lahat kung masyadong negatibo ang nakikita ko sa Philippine politics. Wala kasi akong makitang matinong leader sa kasalukuyan, sorry.

Sa kabila ng dumi ng pulitika at social media ay mahalaga siguro na magtuon tayo ng panahon sa kaya nating ayusin. Ayusin natin ang mga sarili. Kung maayos na natin ang ating mga sarili ay maari natin sigurong ayusin ang ating mga relasyon. Hindi aayos ang mundo kung hindi natin aayusin muna ang ating sarili. Huwag tayong umasa sa ibang tao lalo na sa mga pulitiko. Huwag maging panatiko.

Tinanong ng isang estudyante ang isang life coach kung ano daw ang pinakamagandang career sa buhay. Ang akala ng estudyante ay tutugon ang life coach ng mga magigiting na career tulad ng doctor, engineer, abugado, teacher, etc. Sa halip tumugon ang life coach at nagsabing: “Be a good human being. There are a lot of opportunities in this area and very little competition.”

Siguro nga kulang ang mundong ito ng mabubuting tao. Hindi na nakakatawa ang patuloy na pagkawala ng mga mabubuting tao sa mundo. May choice naman tayo. Tatawa na lang ba tayo sa mga nangyayari sa ating buhay? Sorry Ka Freddie Aguilar, palagay ko kasi hindi sa lahat ng panahon ay tatawa na lang tayo. Ano, sabog lang?

Sino ba tayo sa lipunan? Ang tumatawa, nagpapatawa o pinagtatawanan. Mamili kayo.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback