• Krosword ni Gerry Gamurot
    Eh Kasi, Pinoy!

    Krosword

    ni Gerry Gamurot
  • Building Science by Norman Aceron Garcia
    Features

    Building Science

    by Norman Aceron Garcia

Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Minimal na pamumuhay = happiness

ni Noel Lapuz

Labintatlong taon mula ngayon ay babalik ako sa Pilipinas para mag retiro. Titira ako sa bukid sa Lal-lo, Cagayan para magsaka, mag-alaga ng hayop at ipagpatuloy ang aking libangang pagsusulat. Makikisalamuha ako sa mga magbubukid at mamumuhay nang payak at tahimik, kasama ang aking kabiyak sa buhay. Ang bahay ko’y hindi magiging malaki kundi sapat lamang para sa aming dalawa. Hindi ako magpapakabit ng WiFi. Dahil diyan, magiging kasaysayan na lamang ang aking pagiging bahagi ng social media. Babalik ako sa pagsusulat gamit ang lapis at papel o magmamakinilya. Magtatanim ako ng iba’t ibang gulay. Isasabuhay ko ang ilustrasyon sa awit ng Bahay Kubo. Sa wakas ay hindi na magiging frozen ang aking mga pagkain. Pipitas na lamang ako sa aking taniman para sa aming pagkain.

Retirement

Nasa late 40s ako pero ngayon pa lamang ay naghahanda na ako kung ano ang gusto kong gawin pagkatapos ng ilan taong paghahanap buhay. Masyado bang maaga o sakto lang? Naniniwala kasi ako na ang katuparan ng pangarap ay ang maayos na pagpaplano. Bagama’t nilisan ko ang Pilipinas simula noong 2003 nang ako’y naging OFW at tuluyan nang hindi umuwi nang dumating kami dito noong 2009 ay hindi pa rin mawala sa isip ko ang umuwi at mamuhay sa bukid. Ganoon na lamang ang aking pagkahumaling sa simpleng pamumuhay.

Minimalist

Lumaki kasi ako sa sakto lang. Hindi kami mayaman at hindi rin naman ubod ng hirap. Mapalad kami sa pagtataguyod ng aming mga magulang pero hindi kami lumaki sa luho. Ang sabi nga ng Nanay ko, “Kung anong nandiyan ay pagkasiyahin at magpasalamat sa kung anong mayroon ka.” Ito ang pundasyon ng aking paniniwala na hanggang ngayon ay bitbit ko at ipinapasa sa aking mga anak. Huwag magarbo. Huwag mag-aksaya. Tama na yung tama lamang. Isang asawa, isang pamilya, isang aso, isang bahay, isang sasakyan pero ramdam ang malaking kasiyahan. Madali akong isalarawan ng mga nakakakilala sa akin, lalo na sa pananamit. Laging naka-shirt, naka-rubber shoes, naka-backpack, naka-cargo pants o maong. Walang relo, walang singsing, walang kuwintas. Kadalasan ay wala ring cash sa bulsa dahil laging nagbabaon ng pagkain sa opisina. At eto pa, wala po akong sariling cellphone. Kung hindi ako binigyan o pinagamitan ng work phone sa opisina ay hindi ako bibili ng sarili kong cellphone. Isa pa, kung hindi ako nakikitang tumatakbo ay naka-bus lang ako maliban na lamang kung nautusang bumili ng groceries o ipagmaneho ang pamilya. Kung wala nga akong pamilya ay tiyak na wala rin akong sasakyan. Malamang kung hindi lakad, bus o bisekleta lang ako.

Happiness

Madaling sumaya kapag kuntento ka na. Ang kasiyahan ay hindi mararamdaman sa pamamagitan ng laki o mahal ng bagay kundi sa kahalagahan nito at kung paano mo ito binibigyan ng importansya. It’s all about appreciation. Ang pagpapasalamat sa kaganapan ng buhay ang susi sa kasiyahan. Halimbawa, ang init ng summer ay appreciated natin sa winter tulad din ng lamig na appreciated natin sa tag init. Kailan tayo huling nagpasalamat sa hininga natin. Kailan tayo huling nagpasalamat sa mga mata nating nakakakita. Sa mga taenga, sa ilong, sa panlasa? May mga struggles ang buhay pero laging may pag-asa. Sino ba ang walang problema? Wala di ba? Pero masaya pa rin ang buhay kung marunong tayong magdala ng ating mga problema. Nasaan ba ang kaligayahan natin? Nasa pera? Nasa investments? Kapag nawala na ang pera at kung yan ang kasiyahan lang natin, patay ka na. Pero kung ang kasiyahan mo ay ang buhay mo mismo, daig mo pa yung nanalo ng 60 million sa lotto. Always share your happiness. Yun bang isang ngiti mo ay kasiyahan na ng makakakita sa yo. Yun bang kaunting appreciation mo sa tao imbis na hatred ay magdudulot ito ng saya. Tama nga ang kanta noong nasa elementary pa ko: “Kung ikaw ay masaya, buhay mo ay sisigla.”

Make love not war

Ang mundo ay punong puno ng galit at pagiging makasarili o kasakiman. Maging sa pamamalakad sa gobyerno ay umuusbong ang kaisipang proteksyonismo. Dahil dito ay nakokompromiso ang diwa ng interdependence ng bawat nilalang sa mundo. Nawawala ang pag-ibig, nawawala ang pagmamalasakit. Sa simpleng paraan ng ating buhay ay pilitin nating ipamahagi at isabuhay ang diwa ng pag-ibig. Sa tahanan, sa bahay, sa trabaho at sa ating komunidad. Always accept and embrace challenges that lead to loving others regardless of gender, race, belief and faith. Maganda sa puso ang magmahal at masama sa kalusugan partikular sa puso ang galit. Isa pa, hindi magastos ang tunay na pagmamahal sa kapuwa. Ang simpleng pakikinig sa tao ay isang pagpapahayag ng respeto at pag-ibig.

Not complicated

Sa kabila ng modernong panahon at mga bagong technologies o discoveries ay simple lang naman ang mga totoong pangangailangan ng tao. Walang kailanmang Apple o Google apps na makapagdudulot ng ganap na kasiyahan ng tao dahil; ang tunay na app ay nasa puso ng bawat isa sa atin. Wala na tayong dapat i-download para tayo maging mabuting tao dahil nasa sistema na ng ating pagkatao ang kabutihan. Ang kailangan lang ay gamitin natin ito para maging daluyan tayo ng kabutihan ng sangkatauhan. Hindi dapat komplikado ang mundo. Sa sobra kasing talino ng tao ay ginawang mahirap ang madali at ginawang malalim ang mababaw. Bakit ba natin ginagawang komplikado ang mundo kung mag-iisip din naman tayo ng solusyon para dito? Ang titulo o degree na pinag-aralan at natamo ng iba ay hindi nangangahulugan na angat na siya sa iba. May kani-kaniya tayo expertise kaya’t hindi ko kailan man masasabi na ako’y higit sa iyo at ika’y higit sa akin. Patas lang tayong lahat.

Nagtutunaw na

Pero lalamig pa ba? Hindi natin alam. Matunaw man o tumigas uli ang yelo, uuwi pa rin tayo. Saan? Sa lugar kung saan tayo masaya. Ikaw lang ang may alam ng ruta, magkita na lang tayo sa finish line ng ligaya.

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback