• Krosword ni Gerry Gamurot
    Eh Kasi, Pinoy!

    Krosword

    ni Gerry Gamurot
  • Building Science by Norman Aceron Garcia
    Features

    Building Science

    by Norman Aceron Garcia

Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Mga kabute sa komunidad

ni Noel Lapuz

Sa una, ang ganda ng samahan. Punong-puno ng kani-kaniyang vision at plano para sa grupo. May iisang layunin. Buo.

Kapag pumasok na ang mga iba’t ibang interest, tiyak ang paglusaw ng samahan. Tiyak ang paghahatian. Tiyak ang samaan ng loob.

Familiar na sitwasyon na ito kahit saan tayo magpunta. Ang mga samahan sa Pilipinas mapa-political groups man, social organizations, church sectors at marami pang iba ay karaniwan na ang paghihiwalay o pagtatapos ng samahan dahil sa mga hindi pagkakasunduan at dahil sa mga vested interests. May kani-kaniya kasing agenda ang mga leaders at members.

Hindi naman masama ang pagkakaroon ng interest. Bahagi talaga ito ng mga political at business strategies. Ito ang reyalidad ng buhay.

Hindi na ako magbibigay ng partikular na halimbawa. Dito na lang sa Winnipeg ay nag-uusbungan ang mga organisasyon na nagmula dati sa isang grupo. Ang positibong epektibo nito ay ang kompetisyon. The more groups sa community, mas maraming opportunities and channels na maaaring puntahan ang mga tao. It is an open enterprise. Tulad din ’yan ng business. Mas maraming negosyante, mas maganda ang stimulation ng economic growth dahil sa competition.

Kailangan lamang ay may sportsmanship. Walang batuhan ng putik sa kapuwa. Ang tunggalian ng mga grupo ay dapat nakabatay sa mga isyung hindi nila napagkakasunduan. Wala dapat personalan. Halimbawa, kung question ng transparency ang issue, dito lang dapat ang focus ng pag-uusap. Kung usapin ng pera at leadership, dito lamang dapat naka-sentro ang pag-uusap. At dapat, both parties ay may iisang goal na ayusin ang gusot. Kailangan mutual ang pagkakaunawan na linawin ang mga issues, otherwise wala na dapat pag-usapan dahil mauuwi lang ang mga usaping ganito sa personal na bangayan.

At the end of the day, magkakapareho lang naman ang mithiin ng mga leaders. Kung business-oriented ang group, siyempre; ang kumita. Kung may halo itong social at politika, ang goal naman ay mag-serve sa community at the same time ay makilala para sa preparation sa politika. Money and power. Huwag na tayong maglokohan, itong dalawang ito ang kadalasang dahilan ng pag-oorganisa na mga samahan.

Dati akong car salesman. Alam ko ang mga diskarte ng bawa’t ahente para makabenta. Kailangan visible ka sa community. Kailangan aware ka sa mga fundraising efforts ng iba’t ibang grupo at kailangan ay handa kang magbigay ng pera. Investment ng ahente ito para lumawak ang kaniyang network. Sumusugal ang mga ahente ng pera dahil alam nilang may balik itong benta. At walang masama dito. Business ito at ganito ang laro sa loob ng industry.

Isa pa, ang pagbuo ng mga foundation or pagiging involved sa mga charities ay isang epektibong marketing strategy. Nabubuo kasi dito ang imahe ng pagiging maayos na corporate citizen ng mga negosyante. Nagiging katanggap-tanggap sila sa community dahil sa kanilang involvement at financial support. At may kapalit ito, mas sikat, mas lalakas ang sales, mas maganda ang reputation, mas maraming tatangkilik sa products and services.

Sa mga not-for-profit organizations naman, bagama’t malinaw na hindi ito business-oriented ay nakakatulong pa rin ito sa pagpo-promote ng mga negosyo at services ng mga involved dito. Ibig sabihin, ang mga not-for-profit organizations ay maaaring gamitin ng mga negosyante para palawigin ang kanilang negosyo. It will benefit both ends. Ang negosyante ay matutulungan ang grupo at ang grupo ay matutulungan ang negosyante. May masama ba dito? Depende na siguro iyon sa mechanism na ginagamit at sa mga sitwasyon ng iba’t ibang samahan. Kung malinaw naman at tapat ang bawat isa sa kanilang objectives ay wala akong nakikitang masama dito. Dapat lang ay malinaw ang usapan. I will sponsor your group and you will patronize my products. Simple lang, walang halong drama.

Hindi tanga ang mga tao para mapaniwala na walang minitmithi ng kahit anong interest ang bawat grupo kung bakit sila nagbuo nito. Hindi naman dapat itanggi ng mga bumuo ng grupo ang kanilang mga intensyon dahil wala namang masama na tulungan mo ang iyong negosyo. Ang kailangan lang, malinaw ito sa grupo.

Sa mga politiko, isipin ninyo, pagkatapos ng kanilang mga termino ay makikita ninyo pa ba sila sa mga community gatherings? Madalang o halos hindi mo na sila makikita dahil wala na ang kanilang interest na ligawan ka para sa iyong boto. Natural lamang ito at inuulit ko, walang masama dito. Ito ang reyalidad ng buhay.

Move on, move on pag may time. Kapag lusaw na ang grupo n’yo, mag-isip ng mga bagong diskarte at maayos na paraan para sa kapakinabangan ng inyong negosyo o pangarap at sana kahit paano mag-benefit, hindi lang kayo, kundi ang komunidad ninyo.

Okay lang ang maayos na competition among organizations. It is a free world. Malaya tayong magbuo ng mga grupo hangga’t gusto at kaya ninyo. Wala lang batuhan ng putik.

Ito ang mga kabute sa ating komunidad, some are edible, some are not.

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback