• Krosword ni Gerry Gamurot
    Eh Kasi, Pinoy!

    Krosword

    ni Gerry Gamurot
  • Building Science by Norman Aceron Garcia
    Features

    Building Science

    by Norman Aceron Garcia

Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Election sa Manitoba –

may wish list ka ba?

ni Noel Lapuz

Hindi ko pa alam kung sino ang iboboto ko ngayong Provincial Election. Kayo rin ba? Masyado kasi akong abala sa trabaho, sa pamilya at sa marami pang ibang ginagawa kaya’t hindi ko pa masyadong nabibigyan ng pansin ang paparating na election. Pero kung tatanungin ako, mayroon sigurado akong wish list para sa maayos na Manitoba.

Ganito marahil ang tipikal na botante sa Manitoba na may tipikal na pangangailangan. In other words, mga middle class na mamamayan. Habang abala sa patatalumpati ang mga kandidato at pag-katok sa ating mga pintuan para magbigay ng polyeto at magpa-pogi o ganda points ay abala din naman tayo sa pagkayod at pagbabanat ng buto para maitaguyod ang ating pamilya. Wala na tayo halos panahon para bulatlatin at basahin ang mga pambobola, este, ang mga plataporma ng mga kandidato. Sa totoo lang, wala pa akong binabasang polyeto na isiniksik sa aming mailbox. Pero may gusto akong mangyari sa Manitoba.

Hindi kasi makatarungan na i-represent ako at ang aking mga kapitbahay ng MLA na magpapainit lang ng puwit at magpapanis ng laway sa Legislative Assembly. Hindi rin makatarungan na puro photo-ops at Facebook posting ang mapapala ko sa aking magiging MLA. At lalong hindi makatarungan na hindi matutugunan ng aking MLA ang mga isyu sa aking lugar. Lalo na kung hindi naman talaga siya naninirahan sa aming lugar.

Sa totoo lang, gusto kong mag-lobby sa Legislative Assembly at Elections Manitoba na isabatas na kailangang maging residente ng kanilang respective ridings ang mga MLA candidates. Simple lang ang dahilan ko ditto; paano mo ire-represent ang isang lugar kung hindi ka naman naninirahan ditto? Mas madarama mo ang pangangailangan ng mga mamamayan na ni-re-represent mo kung lagi mo silang nakakasalamuha anumang oras at anumang panahon. At siyempre, mas proud ako kung ang aking MLA ay mismong kapit-bahay ko. Madaling puntahan, madaling kausapin at madaling magkaroon ng komunikasyon. Hindi na kailangan ang bus bench ads para ko siya makilala.

Pasensya na po sa mga natamaan ko. Nagsasabi lang po ako ng aking opinyon at kuro-kuro at wala akong pakay na patamaan kayo. Hindi ninyo po kasalanan ito kundi ito ay pagkukulang marahil ng sistema ng eleksyon dito sa Canada na puwede naman nating baguhin.

Isa pang pamantayan ng aking pagboto ay ang pag-aaral ng isyu at hindi pagtingin sa kandidato bilang isang celebrity. Hindi dahil sa magaling kayong kumanta, sumayaw, maganda, pogi, sikat o kamag-anak kayo ng aking kamag-anak, o doktor kayo ng aking pinsan ay iboboto ko na kayo.

Lahat ng partido ay may mga pangako sa probinsya ng Manitoba. Nagkakaiba lamang sila sa kung ano ang kanilang priyoridad.

Para sa akin at marahil sa marami pang mga middle class na pamilya, ang importante sa Manitoba sa kasalukuyan ay ang mga sumusunod:

  1. Isaayos at pag-ibayuhin ang medical services. Sana, mayroon tayong maraming choices na pumili ng maayos-ayos na family doctors. At sana, hindi tayo nag-aantay nang mahabang oras sa emergency sa mga ospital.
  2. Sa edukasyon, magkaroon sana ng marami pang eskwelahan at kolehiyo na magfo-focus sa kung ano ang pangangailangan ng mismong probinsya. Ibig sabihin, ang mga kurso or programs na dapat bigyan ng suporta ng gobyerno at yung mga may siguradong hanap-buhay within the province. Nakakapanghinayang kasi na pagkatapos mag-aral ng mga estudyante ay wala silang mahanap na trabaho sa Manitoba.
  3. Maging transparent sana ang provincial government sa mga plano nito. Lahat tayo ay nasorpresa sa PST hike na dapat sana ay dumaan sa isang plebisito. Sana rin, kapag magbebenta ang provincial government ng mga government departments sa mga pribadong sector ay huwag nila itong gawing sekreto para sa mga government workers. Walang masama sa privatization pero huwag n’yo namang bulagain o saksakin sa likod ang inyong mga manggagawa. Para sa inyong kaalaman, dati akong provincial government employee, pero ibinenta ang aming departamento sa pribadong sector na wala kaming ka-alam-alam. Luto na ang deal bago namin nalaman.
  4. Hindi priyoridad ang tindahan ng alak para sa akin. Hindi ako impressed sa lider ng partido na ginagawa itong priyoridad.
  5. Makipagtulungan sana ang provincial government sa federal at municipal governments para sa mga proyektong makakatulong sa tao regardless kung magkakaiba ang kanilang mga political affiliations.
  6. Wellness ng mamamayan. Bagama’t ito ay bahagi rin ng municipal responsibilities ay matutuwa ang taumbayan kung mas maraming wellness centres sa buong Manitoba na abot-kaya ang halaga. Ang North Centennial Recreational Centre sa North End ay isang magandang halimbawa ng magandang proyekto. Sana marami pa nito ang maipatayo sa iba’t ibang lugar.
  7. Sana rin, yung mananalong MLA sa lugar ko ay magsulong ng batas na pagbawalan ang mga MLA na mag-advertise ng kanilang mga pagmumukha sa mga bus benches. Maraming paraan para makipag-ugnayan sa inyong mga constituents at hindi magandang paraan ang bus benches ads. Aminin natin, ang paggamit ng bus bench ads ay isang paraan ng retention sa utak ng publiko na kailangan ng mga politiko para sila ay muling iboto. Again, sorry sa mga tinamaan. Pero inuulit ko, kung ang mananalong MLA sa lugar ko ay isusulong ito, malaking saludo at respeto ang ibibigay ko po sa inyo.
  8. Buy Manitoba pero mas mahal pa. Isinulong ng gobyerno na tangkilikin ang mga produktong gawa sa Manitoba pero paano mo ito gagawin kung mas mahal ang presyo kaysa made in China? Sana, magkaroon ng insentibo sa buwis at suporta sa gobyerno ang mga local business owners para maging competitive ang kanilang mga presyo kumpara sa mga imported goods.

Hindi pa kumpleto ang aking list pero ito na siguro ang mga major issues na gusto kong mangyari sa Manitoba. Hindi po ako nag-eendorso ng kahit sino mang kandidato o partido. Nasa sa inyo ang desisyon.

Ang hiling natin ay maayos na buhay sa Manitoba kaya dito tayo nagpunta. Sana, ganoon din ang nasa puso at isip ng mga kandidato’t kandidata sa probinsya ng Manitoba.

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback