
Opinions
![]() |
Ang mala-barangay na Ginebra culture |
ni Noel Lapuz
Mas malakas pa ang sigaw ng mga magulang at kamag-anak kumpara sa mga estudyanteng nanonood sa laban ng basketball league na pinagbibidahan ng mga magagaling na estudyanteng mula sa mga Pilipinong pamilya. Kaunti na lang at medyo napapamura na ang mga high-blood na fans para i-bash ang mga maling tawag daw ng referee. Kung hindi pabor sa kanilang team ang tawag ni ref ay mabibingi ka sa sigaw ng mga ito. Parang nasa Pilipinas ang dating. Parang laban lang ng Ginebra. Parang nasa kanto lang kung magpamalas ng kabastusan ang ilan sa mga panatikong nanonood.
Ito namang si coach na Pilipino rin ay walang habas kung i-pressure ang kaniyang mga players. Kung sigawan ni coach ang mga bata sa harap ng maraming tao ay parang napakabobo na ng mga bata. Kawawa naman at tila nato-traumatize ang mga players dahil sa malupit na istilo ni coach. Feeling yata ni coach ay nasa professional basketball siya. Feeling niya yata ay may karapatan na siyang sigawan ang mga bata dahil nagkataong coach siya.
Kung may mga stage parents sa tanghalaan o showbiz ay mayroon din namang mga parents na pilit na itinutulak ang kanilang mga anak na ma-involve sa sports kahit ayaw naman ng mismong may katawan. Maraming mga parents ay tila mga frustrated “Jaworski” kaya’t pinipilit ang kanilang mga anak na maging mahusay sa ganitong larangan para sa kanilang pansariling satisfaction. Selfish ang ganitong mga magulang.
Isa pang karakter na madalas nating makita sa mga sports events ay ang mga taong marunong pa sa coach pero ayaw namang mag-volunteer na mag-coach. Sila itong mga sobrang daldal at tila alam lahat pero ayaw namang tumulong sa team. Puro ngaw-ngaw at puna pero wala namang kontribusyon para ma-improve ang team. Ang daming ganito. Ang daming sports expert wannabe.
Lumalabas ang tunay na ugali ng tao sa mga sitwasyong biglaan at nakaka-pressure. Kung gusto mong malaman kung gaano kahaba ang patience ng tao ay pumunta ka sa isang sports event. Dito ay magkakaroon ka ng ideya sa ugali ng tao lalo na’t kung ang tao ay isang player, coach at maging miron lamang o nanonood lang.
Masarap manood ng basketball o anumang hilig nating sports, pero masarap ding obserbahan ang kulturang makikita sa mga tao dito. Minsan ay matatawa ka na lang at mapapailing. Minsan ay masosorpresa ka sa mga iba’t ibang behaviour ng tao. Hindi mo aakalain na ganoon pala ka-pikon o ka-bastos ang ilang mga indibidwal kapag nasa gitna ng pressure. Tunay nga na maituturing natin na isang sukatan ang sports event sa ugali ng tao regardless kung sila man ang manlalaro o manonood.
Ilang taon din tayong hindi nakapanood ng mga live sports competitions dahil sa COVID. Isa siguro itong dahilan kung bakit marami sa atin ay super-excited at hyper na hyper kapag nanonood ng mga tournaments.
Marami rin ang walang control ang bibig. Nakakahiya mang sabihin pero maraming Pilipino ang mariringgan mo ng pagmumura dahil sa frustration, excitement at emosyon.
Sa mga magulang, lagi sana nating isipin na nandoon tayo para suportahan ang ating mga anak na manlalaro. Tayo ang matatanda na dapat ay makikitaan ng respeto at sportsmanship. Huwag naman sana sa atin makita ng mga bata ang kabastusan.
Isa pa, bitbit natin ang pagiging Pilipino sa mga pampublikong events at lugar. Sana ay maging maingat tayo sa ating mga kilos para hindi naman masabing ang ating lahi ay mga pikon.
Ang panonood ko ng sports event ay isang magandang distraction para sa akin from my usual busy schedule. Nanonood ako nito para maglibang at suportahan ang aking team but not to the point na ako ay makikipag-away at makikipagmurahan sa iba. Sayang ang efforts ko. Isa pa, maha-high blood lang ako. Kaya relax lang.
Let us support our team! Mag-cheer tayo para sa kanila! Let us celebrate with them panalo man o talo!
Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).
Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.