
Opinions
![]() |
Ano ang kaya mong i-give up? |
ni Noel Lapuz
Dahil sa sobrang taas ng presyo ng gasolina at patuloy na pagtaas ng mga bilihin ay nagkasundo ang aming pamilya na rebyuhin ang aming mga bayarin at i-give up ang mga hindi masyadong kailangan. Para matuto ang mga bagets sa fiscal management ay isinama namin sila sa discussion kung anu-ano ang dapat bawasan, ano ang mga bagay na dapat putulin o itigil at mga bagay na dapat ay i-minimize.
Siyempre dapat follow the leader. Kaya pinangunahan ko ang savings program ng Lapuz family. Una kong itinigil ay ang aking monthly indoor at heated parking sa downtown. Although napaka-convenient nito ay maaari pa rin naman akong makarating sa office nang walang sasakyan. Kaya matik, I cancelled my monthly parking worth $200 plus per month. Balik sa bus ako na only worth $99 a month. $24.75 lang ang Monday to Friday pass. On top of that ay naka-save pa ako sa gasolina per week na ang average ay around $75.00 a week or tumataginting na $300 a month. Hindi man ako magaling sa arithmetic ay kita ko na agad ang tipid ng pagbabalik bus ni Batang North End.
Alam naman ng marami na ang inyong lingkod ay maraming side gigs or hustles. Isa na rito ay ang ating grocery run or delivery service. Para makatipid ay ginawa ko na lang every Saturday ang aking full day delivery. Mababait naman at very supportive ang ating mga suki na okey lang sa kanila na tuwing Sabado lang nila makikita si Kuya at ang Kuya’s van. In this way, ay nakakapag-plano din sila ng mga orders bago dumating ang Sabado. Win-win situation para sa akin at sa aking mga minamahal na suki.
Pakitaas po ang kamay ng mga may TV cable service pa hanggang ngayon? Iilan na lang siguro ang mayroon nito dahil lahat halos ng mga gusto nating panoorin sa TV ay nasa Internet na for free or for a lower fee.
Next na na-slash ay ang aming family prime subscription ng Spotify. Puwede pa rin namang makinig ng music or podcasts nang libre. Magtitiis lang nang konti sa mga ads. That’s OK. Kahit nga walang Spotify ayos pa rin.
Nayari din ang Roblox subscription ni Francis, ang aming bunso. Ang mas maganda kong nakita dito ay hindi lamang ang savings kundi higit sa lahat ay ang pag-intindi ng aking mga anak kung paano dapat maging responsable sa paggastos.
Marami pang mga household expenses ang aming pinag-aralan na kung tutuusin ay puwede talaga ma-adjust if not ay ma-give up.
Bakit namin ginagawa ito? Hindi ito tungkol sa pagiging kuripot or pagiging mukhang pera. Ito ay ang pagiging good steward ng family resources at ang pagiging aware sa sitwasyon ng mundo.
Walang question na ang mga expenses na aking ipinaubaya ay napaka-simple. Hindi ito ikamamatay or ito yung mas kilala sa tawag na first world issues or problems na big deal na sa atin pero kung tutuusin ay luxury at hindi ito talaga necessity.
Isipin natin na habang naiinis tayo dahil nawala ng ilang minuto ang Internet connection ay nalalagot din ang hininga ng mga tao dahil sa giyera, namamatay ang mga pasyente sa mga ospital dahil sa walang maayos na gamit; bumabagsak na lang sa gutom ang mga taong walang makain at marami pang ibang mga nakamamatay na sitwasyon ng buhay ng mga tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Heto tayo. Problema natin yung snow na itinambak ng kapitbahay natin or ng city crew at naging sanhi ng windrows. Problema natin yung hindi dumating sa tamang oras yung inorder nating pagkain sa Skip the Dishes. Problema natin yung aso natin na may anxiety at hindi maiwang mag-isa. Problema natin yung hindi matuloy-tuloy at napurnadang cruise trip natin sa Carribean. Yung mga potholes sa kalye na nakakasira sa mga magaganda nating kotse? Ang dami nating problema, ano?
The richer you are, the more worried you are. Totoo ito. Laging example ng buhay ko ang probinsya ng aking asawa, sa Lal-lo, Cagayan. Ilang beses lang ako nakarating doon pero dama ko ang kasimplehan ng buhay at pagiging totoong masaya at kuntento ng mga tao. Madaling sumaya kung ang measurement ng ating happiness ay hindi napaka-komplikado. Therefore, set your own measurements na sa tingin mo ay attainable para madali kang sumaya. Simple lang, hindi ba?
Isa pa, lahat ay nasa tamang panahon. Timing is very important sa lahat ng bagay. Huwag nating madaliin ang buhay dahil maiksi na nga ito. Kung magmamadali pa tayo, hindi na natin mai-enjoy ang pagiging buháy sa napaka-iksing buhay.
Nabawasan ba ang pagkatao ko nang mag-bus ulit ako? Naging mukhang kakawa ba si Francis dahil wala na siyang Roblox subscription? Pinaka-pobre ka na ba dahil wala ka ng cable TV?
Minsan kailangan nating i-assess ang ating mga buhay kung masyado na ba tayong nasasanay sa mga bagay na hindi naman talaga importante. Kaya ba nating isakripisyo ang mga oras, bagay at pagkakataon para kahit sa kaunting panahon ay maging simple ulit ang buhay natin na dati namang hindi komplikado?
Kung may dapat hindi tipirin, ito yung panahon natin na dapat nating ilaan kung saan nandoon ang puso natin. Nasaan ba yon? Baka naman yon ang naisakripisyo natin. Baka huli na kapag na-realize natin na dapat pala ay mas naglaan tayo ng oras sa kaniya o sa kanila kaysa sa oras nating ginugol para sa mga bagay na wala pala namang tunay na halaga.
Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).
Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.