Published on

Batang North End ni Noel LapuzLiham para kay G. Toba

By Noel Lapuz

Ginoong Toba,

Noong isang taon ay sumulat ako kay Ginoong Canada upang magpasalamat sa patuloy niyang pagkupkop sa aking mga anak. Nabanggit kita sa aking liham na iyon at pinuri din kita dahil sa pagkalinga mo sa aking mga kalahi.

Taun-taon, patuloy ang pagdagsa ng aking lahi sa iyong lugar upang dito na manirahan. Nilisan nila ang pinagmulan upang makipag-sapalaran at maiayos ang kani-kaniyang mga buhay. Marami sa aking lipi ay mga propesyonal, nakatapos ng unibersidad at may malawak na karanasan sa iba’t ibang larangan. Hindi maikakaila ang husay, talino at tiyaga ng aking lipi.

Nagpapasalamat ako sa iyo dahil sa bukas palad mong pagtanggap sa kanila bilang bagong kasapi ng iyong lipi. Ngunit hindi rin maikakaila na mayroong mga pagkakataong hindi makatarungan ang iyong mga polisiya lalung-lalo na sa pagkilala sa kanilang mga kaalaman. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi maging pantay ang ating pamantayan ng kasanayan at edukasyon. Bakit ang mahusay na inhinyero sa aking lipi ay hindi makakuha ng kapantay na sertipiko sa iyong lugar? Sadya bang kahit na sabihin nating multi-kultural ang iyong lipi ay nananaig pa rin ang pagiging superyor ng mga naghaharing uri?

May pagkukulang din naman ang ilan sa aking mga anak. Alam ko na marami din sa kanila ang walang lakas ng loob upang ipaglaban ang kanilang nalalaman, edukasyon at kasanayan. Paano nga ba naman mabibigyang pansin ang husay ng aking mga anak kung sila mismo ay bantulot na ipagmalaki at ipaglaban ito. Ito ang isa sa mga ugaling mapagkanlong ng marami sa aking mga anak na dulot ng kanilang mahabang panahong pagiging alipin ng puwersa ni Kastilaloy at ni Tandang Sam.

Ginoong Toba, naniniwala ako na malaki ang potensyal ng iyong lugar upang mabigyan pa ng malaking pagkakataon ang aking lipi upang makibahagi sa tagumpay ng iyong angkan. Alam kong marami pa silang magagawa sa iba’t ibang larangan. Ang kailangan lang nila’y inspirasyon, direksyon at mahusay na pamumuno.

Gusto ko sanang itanong sa iyo kung kailan huling ni-rebisa ang mga polisiyang nakasaad sa iyong programa para sa mga imigrante? Mayroon na bang ulat na magkukumpirmang tagumpay o bigo ang programang ito base sa mga naging karanasan at buhay ng mga produkto nito?

Wala naman kaso sa akin kung makikita kong may ilang mga butas ang mga polisiyang ito na dapat ay bigyan ng kaukulang pagbabago at pagwawasto. Marahil, marami din dito ay hindi na akma sa nagbabago nating panahon.

Marami sa aking mga anak ay tahimik na nagrereklamo dahil sa mga isyung kaugnay ng iyong ipapataw na dagdag buwis. Malaking dagok sa pinansyal nilang katatayuan ang iyong naisip gawin. Hindi ka ba talaga maawat upang huwag muna itong ipataw?

Batid kong marubdob ang iyong pangagailangan pinansyal. Nariya’t isina-pribado mo pa ang ahensyang tagapag-ingat ng titulo ng lupa ng iyong angkan katapat ang bayad na 75 milyon.

Ang ipinagtataka ko ay bakit patuloy kang nag-aanyaya sa aking lipi na dito na manirahan? Natatakot ako na baka dumating ang panahon na tumaas ang suliraning pang-empleyo sa iyong lugar dahil sa patuloy na paglobo ng iyong populasyon sa pamamagitan ng mga imigrante. Balanse ba ang pangangailangan ng industriyang paggawa ng iyong lugar kumpara sa dami ng mga naghahanap ng mapapasukan? Sa madaling salita, may maayos at akma bang trabahong nag-aantay sa mga bagong imigranteng papasok sa iyong lugar?

Huwag mo sanang masamain ang aking mga tanong. Nagmamalasakit lang ako sa kahihinatnan ng iyong lugar sa hinaharap. Ang mga suliraning ito ay napagdaanan ko ng lahat. Minsan nang ang lipi ko ay nangunguna sa larangan ng ekonomiya sa Timog Asya. Ngunit dahil sa mga maling polisiya at pagsasamantala ay unti-unti kaming nauwi sa pagkalugmok at pagkabigo. Ayokong mangyari ito sa iyo. Kaibigan kita, Ginoong Toba.

Huwag kang mag-alala sa aking lipi, sanay sa hirap at matiyaga ang aking mga anak. Hindi sila basta-basta sumusuko sa anumang pagsubok. Lumalaban sila sa kahirapan at bumabangon para harapin ang mga suliranin ng buhay. Uulitin ko, kailangan lamang nila ng maayos na inspirasyon at liderato.

Hindi pa huli ang lahat. Pagsasabihan ko ang aking lipi na tulungan ka kung natitiyak nilang para sa ikabubuti ng lahat ang iyong mga polisiya. Gamitin mo sila para sa kapakinabangan hindi lamang ng iilan kundi para sa ikakatagumpay ng buo mong angkan.

Ang aking lipi ay lumaya na sa pagkakagupiling sa kahirapan noong sila’y nasa kanlungan ko pa. Sana’y patuloy silang maging malaya sa iyong poder at huwag na muling maging alipin pa ng kahirapan at kawalang katarungan.

Muli, tanggapin mo ang aking lubos na pagmamahal, pagmamalasakit at paggalang.

Para sa pantay nating pagkakaibigan,
Inang Laya

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback