
Opinions
ni Junie Josue
Isa sa pinakamalaking katanungan sa buhay ay ang kung paano natin malalaman kung ano ang nais ng Diyos na gawin natin. Tatanggapin mo ba ang trabaho o tatanggihan ito? Pakakasalan mo ba ang taong ito o hindi? Lilipat ka ba sa ibang lugar o mananatili na lamang kung nasaan ka sa kasalukuyan?
Mababasa sa biblia ang kuwento ni David. Dahil sa selos at takot ni Haring Saul ng Israel na maagawan siya ng trono ni David kahit wala naman itong ginagawa laban sa hari, tinugis siya nito nang maraming taon. Isang araw, nabalitaan niya na namatay sa kamay ng mga kaaway nilang mga Filisteo si Haring Saul at maging ang anak nitong si Jonathan na matalik niyang kaibigan. Wala nang nakaupo sa trono. Maraming tumatakbo sa isipan ni David. Sa wakas, parang nawala na ang bigatin sa kaniyang puso na matagal na rin niyang binibitbit. Dumating na sa hantungan ang tila walang katapusan niyang pagtatago. At naalala niya ang sinabi ng ginagalang na pari ng Israel na si Samuel na siya ang hinirang na susunod na Hari ng Israel. Pero bago siyang gumawa pa ng panibagong hakbang, tumingala muna siya sa langit. Ang sabi ng biblia sa 2 Samuel 2:1 “Mangyari ngang nang malaman ni David ang mga bagay na ito, nagtanong si David sa Panginoon at sinabing: pupunta po ba ako sa anumang siyudad ng Judah? At sinabihan nga siya ng Panginoon na tumuloy siya sa Hebron.”
Naging kaugalian na ni David ang magtanong sa Diyos patungkol sa mga bagay na kailangan niyang pagdesisyunan. Maaaring sabihin natin sa ating sarili na espesyal si David kaya nakakausap niya ang Diyos. Maaari din isipin ng ilan sa atin na iba ang panahon ni David – na mas nangungusap ang Diyos sa mga tao noon kaysa sa kasalukuyan. Nagkakamali kayo. Hindi nagbabago ang Diyos. Siya ang Diyos noon, ngayon at magpakailanaman. Nangako siyang gagabayan niya tayo.
Maraming beses sa biblia binanggit ang patungkol sa paggabay ng Diyos sa mga handang magpasakop sa kaniyang pangunguna. Ang sabi ng Diyos sa biblia sa Awit 32:8 “Aking ipaaalam at ituturo sa iyo ang pinakamainam na daan na iyong lalakaran: papayuhan kita at babantayan.” Ayon naman sa Kawikaan 3:5-6 “Magtiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo Siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.” Sa Isaias 30:31, sinasabing “Lumiko ka man sa kanan o sa kaliwa, makakarinig ka ng tinig (ng Diyos) sa iyong likuran na nagsasabing “Ito ang daan. Iyan ang lakaran mo.” Ito naman ang sabi ni Hesus na tinuturing na Dakilang Pastol – ”Kilalala ng aking mga tupa ang aking tinig. Kilala ko rin sila at sinusunod nila ako.”
Kaibigan, ang Diyos na gumabay kay David ay nais na gabayan ka rin sa iyong buhay. Kailangan lamang ay makipag-ugnayan ka sa Kaniya, konsultahin mo siya at hayaan mong mangusap siya sa iyo. Buksan mo ang iyong puso na tumanggap ng payo at direksyon sa kaniya kahit na sa isip mo ay parang hindi tama o maganda ito para sa iyo. Ako mismo, may mga panahon na hindi ko maunawaan kung bakit dinadala ako ng Panginoon sa direksyon na ayaw kong daanan o sa tingin ko ay mali pero sa malaunan doon ko nauunawaan na iyon ang pinakamainam sa akin.
Huwag ka nang magbasa ng horoscope na gawa-gawa lang ng tao. Huwag ka na rin magaksaya pa ng pera para kumunsulta sa manghuhula. Huwag mong asahan ang emosyon – marami nang tao ang napahamak sa emosyon – tulad ng mga taong hindi naging tapat sa kanilang asawa. Kaibigan, andiyan ang biblia. Bakit hindi mo subukang basahin ito? Hindi ko mabilang ang mga panahon na nagbigay ng ginhawa at kapayapaan ang salita ng Diyos sa akin sa mga panahon ng krisis sa aking buhay. Minsan naman, parang humihiwa sa aking puso ang mga salita ng biblia lalo na kapag may tinuturo ang Diyos sa akin na mali kong nagawa. Pero, buong puso kong tinatanggap ito dahil alam kong tinutuwid ng Diyos ang aking puso. Ang biblia rin ang manual ko sa buhay – sa pag-aasawa, pagpapamilya, paghawak ng pera, pagpapastor, pakikipagkapuwa at iba pang aspekto ng aking buhay.
Mahalaga rin na humingi ka ng payo sa mga makadiyos na tao. Kung may problema ka sa iyong ugnayan sa iyong asawa, humanap ka ng makadiyos na mag-asawa na may matibay na relasyon sa isa’t isa at humingi ka ng payo sa kanila. Kung hindi mo maiwasan ang magkompromiso sa iyong negosyo, lumapit ka sa isang Kristyanong negosyante para magpagabay. Ang sabi sa biblia sa Kawikaan 12:15 “Ang daraanan ng isang hangal ay tila tama para sa kaniyang paningin pero ang mga marurunong ay nakikinig sa payo.” Huwag maging hangal.
Maraming sakit ng ulo at sama ng loob ang maiiwasan natin kung buong puso tayong magpagabay sa Diyos sa bawat aspekto ng ating buhay – maliit na bagay man ito o malaki. Naghihintay lamang Siya sa ating paglapit.
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15 p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30. a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.