Published on

Heavenly Connection ni Pastor Junie JosueMagkano ka ba?

ni Junie Josue

May mga taong binabase ang kanilang halaga kung paano sila tinatrato ng ibang tao, kung ano na ang narating nila sa buhay, kung gaano na karami ang kanilang pera at ari-arian. Kaya nga nasasaktan sila kung kaunti lang ang “likes” nila sa mga pino-post nila sa Facebook. Nagtatampo sila kapag binigo sila ng tao, hindi sila naimbita sa malaking party, hindi sila nabati noong birthday nila o binale-wala ang kanilang imbitasyon.

Kapag nalugi sa negosyo, natanggal sa trabaho, o biglang nagkaroon ng pinansyal krisis, kung anong bagsak ng kabuhayan ng ibang tao, gayon din ang bagsak ng pagpapahalaga nila sa kanilang sarili. Pakiramdam nila wala na silang silbi sa buhay. Nakakalungkot na may mga taong nagpapakamatay kapag na fire out sila sa trabaho. Kapag hindi naabot ang pangarap, hindi nakuha ang posisyong ina-asam asam, parang naguho na ang buong mundo ng ibang tao.

Alam n’yo bang ang mga bagay na kadalasang pinagbabasehan natin ng ating halaga ay hindi maasahan. Nagbabago ang mga ito. Hindi tayo makakasigurado sa ekonomiya. Maaaring maganda ang takbo ng negosyo mo ngayon pero paano kung biglang bumagsak ang ekonomiya sa Canada? Paano kung biglang nagkasakit ka at hindi mo na kayang magtrabaho at unti-unting nawawala ang kabuhyan mo? Paano kung niloko ka ng partner mo sa negosyo at tinakbo ang pera mo?

Paiba-iba rin ang trato ng tao sa atin. Maaaring kaibigan mo sila ngayon pero bukas ay kaaway mo na. Alam naman natin na maaaring masira ang ugnayan ng tao dahil lamang sa maliit na bagay. May mga mag-asawa na nangakong magiging tapat hanggang kamatayan pero ngayon ay hiwalay na at hindi nagkikibuan. Ang mga dating mag-BFF ay mortal enemies na. Sa biblia, mababasa na tinanghal ng mga Hudyo si Hesus bilang kanilang Hari. Nakasakay si Hesus sa isang kabayo sa Herusalem. Winelcome at pinangaralan siya ng mga tao. Hindi nagtagal ang mga taong nagtanghal sa kaniya ang siya ring nagpapako sa kaniya sa krus. Ang mga taong kaniyang pinagaling, binigyan ng pag-asa, pinakitaan at ginawaan ng kabutihan ang siyang sumisigaw na ipapako siya sa krus.

Mahalaga sa atin ang sasabihin ng tao. Lalo pa tayong mga Pinoy – ayaw nating napipintasan kaya nakikiuso tayo. Mahilig tayo sa mga gamit na mamahalin ang brand tulad ng Michael Kors, Coach, Prada, Lacoste at kung anu-ano pa. Wala namang masama na bumili at magkaroon ng mamahaling mga gamit lalo na kung kaya naman ng budget natin pero minsan kahit hindi na kaya ng bulsa natin, bibili pa rin tayo para lang ma-approve tayo sa mga kakilala natin, para lang huwag mapintasan.

Kaibigan nakakapagod ang palaging nakikiuso para lang gumanda ang pakiramdam natin. Malalaos din ang mga mamahaling gamit na binibili natin ang at may bago na namang lalabas. Tapos mapipilitan na naman tayong bumili. Nagiging cycle na.

Ang ating halaga ay hindi nanggagaling sa tao at sa mga gamit. Hindi rin ito nababase sa kung sino ang kakilala natin, sa mga bagay na nalalaman natin at sa mga ginagawa natin. Ang ating halaga ay nagmumula sa Diyos na siyang lumikha at nagbigay ng hininga sa atin. May DNA tayo ng Diyos na Makapangyarihan. Ang sabi sa biblia, tayo ay obra maestro ng Diyos at kamangha-mangha ang ating pagkakalikha.

Ang sabi sa biblia sa Mateo 10, “Hindi ba ipinagbibili ng isang kusing ang dalawang maya? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nahuhulog sa lupa na hindi batid ng inyong Ama. At maging ang mga buhok sa inyong ulo ay bilang na lahat ng Diyos. Huwag kayong matakot; kayo ay higit na mahalaga kaysa maraming maya.”

Noong unang panahon, nagkakahalaga ang isang maya ng kalahating kusing Batid ng Diyos ang nangyayari sa kaniyang nilikha na napakaliit ang halaga sa paningin ng tao. Lalo pa kaya ikaw na nilikha sa larawan ng Diyos? Kaya, kaibigan, huwag mong hayaan na ang ibang tao o bagay ang magdikta ng iyong halaga. Nilikha ka ng Diyos. Walang katulad mo. May dakilang plano ang Diyos sa iyong buhay.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15 p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30. a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.