Published on

Heavenly Connection ni Pastor Junie JosueGayunpaman

ni Junie Josue

May mga kahinaan ka ba sa buhay na palaging nagdadala sa iyo sa trobol? Hindi mo mapigilan ang magsugal kahit puro utang ka na at ubos na ang kabuhayan mo. Maaaring problema mo ang ang pagiging magagalitin at maliliit na bagay lang ay nagwawala ka na. Naaepektuhan tuloy ang ugnayan mo sa iyong mga mahal sa buhay. Maaaring wala kang bilib sa sarili mo kaya’t takot kang sumubok ng mga bagay-bagay at mag-apply ng trabaho na mas malaki ang suweldo. Patuloy ka na lang na nangangarap. Kaibigan, ano ang isang kahinaan mo at maaaring isang masamang ugali na alam mong nagdadala sa iyo sa kapahamakan pero hirap mong iwanan ito at parang wala nang paraan na makawala mula dito? Para itong isang kuta na hindi kayang gibain.

Mababasa sa biblia ang kuwento ni David. Alam n’yo bang maging si David ay may hinarap na isang matibay na moog o kuta? Ang Jerusalem ay isang siyudad na tinuturing na isang moog na nakatayo sa taas ng mga burol. Sa bawat gilid nito ay may mga matatarik na bangin maliban sa bandang norte. Matataas na pader ang nakapaligid dito. Ang mga Jebusites ang nakatira dito. Walang umiistorbo sa mga taong ito. Nakikipaglaban ang mga Filisteo sa mga Amalakita at nilalabanan ng mga Amalekita ang mga Hudyo pero walang nagtangkang makipaglaban sa Jebusites. Para silang mga makamandag na ahas sa desyerto. Lahat ay umiiwas sa kanila. Lahat maliban kay David.

Kakaupo pa lamang ni David sa trono bilang hari ng Israel at hindi maalis ang tingin at pansin niya sa Jerusalem. Namana niya ang isang kaharian na nahati. Alam niyang hindi lamang isang matatag na pinuno ang kailangan ng mga tao kundi ang isang matatag na headquarters din. Ang kasalukuyan niyang headquarters sa Hebron ay nasa South at hindi niya makuha ang suporta ng mga tao sa North, Kaya’t naghahanap siya ng isang siyudad na neutral at nasa centro – ang Jerusalem.

Para sa nakararami, mahirap pabagsakin ang Jerusalem. Mula sa tuktok ng mga tore nito, kitang kita na ng mga Jebusites ang mga sumusugod na mga tao sa kanila at kaagad gad nilang maitututok ang kanilang mga pana at sandata sa mga magtatangkang umaakyat sa matataas nilang pader. Maaaring may nakapag tip sa mga Jebusite na natitipuhan ni David ang kanilang siyudad kaya’t tinuya nila si David at sinabing “Hindi ka makakapasok dito, kahit mga bulag at lumpo lamang ang magtanggol dito.”

Kaibigan, maaaring may mga nanunuyang tinig na palagi mong naririnig o naiisip, tinig na nagsasabing “Hindi mo mapagtatagumpayan ang masamang bisyo mo. “Wala ka nang pag-asa. Ganiyan ka na lamang habangbuhay.” O di kaya’y nagsasabi ng ganito: “Hindi ka na makakabangon sa pagkakadapa mo.”

Dalawang tinig ang umamagaw sa iyong pansin.Ang isa ay nagsasabing ‘“Kaya mo ito. Tutulungan ka ng Diyos.” At ang isa nama’y nagsasabing “Hindi mo kaya. Iiniwan ka na ng Diyos.” Ang isang tinig ay nagpapahayag ng kalakasan ng Diyos na nagpapatatag sa iyo habang ang isang tinig ay naglilista ng iyong kapalpakan at sumisira sa iyo.

Gayahin mo si David. Hindi niya binigyan pansin ang mapanirang tinig. Sa halip, nagtiwala siya sa Diyos na tutulungan siya gumawa ng mga imposibleng bagay. Sinugod niya ang Jerusalem at nakuha niya ang siyudad at doon siya ay nanirahan. Mataas ang mga pader na nakapaligid sa siyudad. Nakatayo sa mataas na lugar ito. Madaling targetin ng mga kaaway na mga palusob pa lamang. Nakakapanghina ng loob

ang mga panunuya ng kaaway gayunpaman nakuha ni David ang Jerusalem.

Gayunpaman - ang isang salita na nangangahulugan ng pagtatagumpay sa kabila ng mga hadlang at hamon. Kaibigan, nais mo bang kapag naikuwento ang buhay mo hindi ang kabiguan mo ang isasalaysay kundi ang mga gayunpaman sa buhay mo. Hindi nakapagtapos ng kolehiyo gayunpaman naging tagumpay sa negosyo. Nalulong sa masamang bisyo gayunpaman ay nagbago at nakakatulong sa mga kabataan na umiwas sa droga. Nabigo sa pag-ibig gayunpaman ay ginugol ang buhay niya sa pangangalaga ng mga batang walang magulang

Kaibigan, anuman ang kalagayan mo ngayon, magtiwala ka sa Diyos na kayang gumawa ng mga imposibleng bagay.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15 p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30. a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.