Published on

Pilantik ni Paquito Rey Pacheco    Enero 1-15, 2013

Sana’y mula sa puso at manatili ang naging batian sa panahon ng Pasko at holiday season. Magpasalamat sa mga biyaya, at unahin ang pasasalamat sa buhay na pahiram ng Diyos sa ating lahat.


 Ang kusang pagtataas ng buwis at pagbabawas sa gastusin ng gobyerno ay indikasyon ng huminang ekonomiya ng bansa. Kung sakaling naging maluwag noong mga nakaraang araw, kailangan ngayon ang kaunting paghihigpit ng sinturon.


 Iniinda pa rin hanggang ngayon ang hagupit ng bagyong Sandy sa kabuhayan ng Amerika at Canada. Sangkot din ang kinatatakutang financial cliff sa US na maaaring madama din dito ang negatibong epekto.


OK lang sa ngayon kahit may deficit ang gobyerno ng Manitoba. Subalit bakit ang proteksiyon ay sa suweldo lang ng cabinet ministers at MLAs? Para sa ordinaryong taxpayers, tameme ang gobyerno ni Premier Greg Selinger?

Feedback

Kaka, ano ang masasabi mo tungkol sa Sin Tax at RH bill sa Pilipinas na bagamat naririto tayo ay maaaring maapektuhan?

Kabayan, palagay ko ito ay parehong makasalanang batas. Malungkot ang magiging kinabukasan ng mga magtatanim ng tabako. Ang contraceptives na ipamimigay sa mga mahihirap ay maaaring perahin na lang dahil sa hirap ng buhay. Maaaring gamitin din ng iba sa gawaing imoral.

Pilipinas

Sa kabila ng pag-asa at hangarin sa katahimikan at kapayapaan, ang mga balitang pinalalabas sa Maynila tungkol sa malaking budget na nakalaan for AFP modernization program ay hindi napapanahon. Gayun din ang ipinagmamalaking ulat na pagpapadala sa Pilipinas ng mga ayudang puwersa ng Amerika, na waring naghahamon. Sabi tuloy ng isang pahayagan sa China, “Phillipines a trouble maker”.


Nalungkot ang public school teachers sa nakaraang Pasko at Bagong Taon. Ang kanilang bonus na tinaasan sa panahon ni Gloria M. Arroyo ay kinalahati lamang daw sa 2012 ng gobyernong Aquino. Masama ang kanilang loob kay Noynoy.


Limang provisions sa Sin Tax bill na pinirmahan ni PNoy ang kaniyang binokya. Kailangang maisaayos muna. Hangga’t walang implementing rules and regulations, maaaring maatraso ang pagpapatupad ng batas.


Ipinagmalaki ng POEA na may 1.4 milyong Pinoy ang nakakuha ng trabaho sa ibayong-dagat noong nakaraang taon. Hindi ba sampal ‘yon sa kakayahan ng gobyerno na mabigyan sila ng trabaho sa sariling bayan?


Hindi hihigit sa 30 per cent ang puwedeng kayanin ng remittance mula sa mga OFWs at ng local market upang masustinihan ang patuloy na economic growth ng bansa sa 2013, na inaasahan ng Malacañang. Isa sa solusyon ang planong isa-pribado ang mga ari-arian ng gobyerno tulad ng IBC TV13 at Radio RPN.


 Nabalitang higit na malaki ang rice export record ng Vietnam sa Pilipinas noong nakaraang dalawang taon kaysa recorded import ng Pilipinas from Vietnam. Aba, puslit o smuggled ang malaking agwat ng export sa import? Ano ‘yan, sasabihing maganda ang naging ani? Maraming bigas, kaya kaunti lang ang aangkatin kumpara sa nakaraang gobyerno?


Ang mga kasong nakasampa laban kay Mrs. Arroyo at sa dating Chief Justice Renato Corona ay para sa propaganda lamang ba? Nais lang daw ipakita, lalo na sa foreign governments na ang kongresista ng Pampanga ngayon ay nakakulong at si Corona naman ang napatalsik sa Korte Suprema. Wala daw iniwan sa basketball ang kanilang mga karagdagang kaso. Pa-dribol-dribol lang, wasting time, ayaw i-shoot kaya magtatagal ang hatol?


Nagbabala si P-Noy sa hoodlums in uniform. Bilang na raw ang kanilang mga araw. Pero teka, paano niya matatakot ang mga tiwaling pulis, eh, hindi naman sila mga kongresista at senador na ayaw mawalan ng pork barrel?


Ang mga obispo at pari ay wala ring pork barrel kaya, sa palagay ko, ang kanilang banta ay hindi kinatakutan ng mga mambabatas na nagtaguyod ng RH bill.


Bago pa nagpalit ng taon, umarangkada na ang political karambola. Inaabangan ngayon ng marami kung mangyayari ang head-on-collision ng presidente at bise-presidente.


Insulto sa mga Filipino ang sinabi ng presidential spokesperson na “there is no politics involved” sa biglang suspensiyon kay Cebu Governor Gwen Garcia at kay Pangasinan Governor Amado Espino. Naku, hindi po tanga ang mga Pinoy. ‘Yong iba nagtatanga-tangahan lang.


Walang iniwan sa sibat na magkabila’y tulis ang utos na suspensiyon sa Cebu governor ni Noynoy at ang pagdalaw ng tatlong-hari ng UNA sa gobernadora. Ang mga mamamayan doon ang nasugatan. Umiral ang matinding agam-agam sa panahon ng Pasko na sagisag ng katahimikan.


Ang tunay na magiging barometro ng katanyagan ni P-Noy ay nakasalalay sa bilang ng mga maipapanalong senador ng LP sa Mayo. Hindi niya masasarili ang pag-angkin sa mananalong guest candidates na kasama din sa line-up ng UNA.


Ang dahilan nga kaya malamig si P-Noy sa pagsusulong ng freedom of information bill ay for the protection of corrupt officials in his administrasyon? Media people may open a can of worms. Baka nga naman mahalungkat pati ang pork barrel ni Noynoy kung saan naukol noong siya ay nasa lehislatura.

Katas

Bagong Taon. May pag-asa kayang mabago ang umiiral na demokrasya sa Pilipinas? Halimbawa ang mga kalayaang:

  1. Panatilihing sa papel lamang ang indepensiya ng Executive, Legislative and Judiciary ng gobyerno?
  2. Magpatuloy ang hindi pantay na hustisya sa mayaman at mahirap?
  3. Pumatay ng mga mamamahayag, katulad ng may tatlong taon nang Maguindanao massacre?
  4. Magwalang-bahala ang gobyerno sa mga kaso ng karapatang pantao?
  5. Sundin ang maibigan ng mga dayuhan?
  6. Magpatuloy ang political persecutions, mag-asal hari sa pagpapalakad ng gobyerno?
  7. Panatiling legal ang pork barrel na ugat ng corruption?

Ilan lamang ‘yan sa maraming uri ng kalayaang umiiral ngayon sa bansa. Gobyernong naturingang democracy, but only, Philippine style?

Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhay newspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM. E-mail: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.

Have a comment on this article? Send us your feedback